Tuesday, September 3, 2013

Proseso at mga tuntuning dapat sundin sa pagpapatupad ng CLIP para sa mga dating rebelde ipinaliwanag ng OPAPP



LUNGSOD NG SORSOGON, Setyembre 3 (PIA) – Sa pangalawang pagkakataon nagsagawa dito sa Sorsogon noong Agosto 29, 2013 ang Office of the Presidential  Adviser on the Peace Process (OPAPP) ng isang araw  ng oryentasyon para sa implementasyon ng Interim Comprehensive Local Integration Program (CLIP) para sa mga dating rebelde sa pamahalaan.

Matatandaang taong 2011 ay nagkaroon din ng ganitong programa sa ilalim ng administrasyon ng dating Gobernador Sally A. Lee na ngayon ay siya nang alkalde ng Lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay Ginoong Christopher Azucena, Regular Coordinator ng OPAPP, ang ginawang oryentasyon at planning workshop ukol sa CLIP noong Huwebes dito sa Sorsogon ay may layuning maitugma ang proseso at tuntunin ng CLIP sa mga inisyatibang ginagawa ng lokal na pamahalaan at maging gabay na rin ng mga nagpapatupad nito sa lokal na lebel.

Pangunahing layunin din umano ng CLIP na pagbuklurin ang bawat Pilipino nang sa gayon ay maging mapayapa ang pamumuhay ng mga residente saan man sa bansa.

Napag-usapan sa ginawang aktibidad ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa halagang Php15,000.00 sa sinumang magbabalik-loob sa pamahalaan mula a-uno ng Enero, 2013 at Php5,000.00 para sa mga sumuko noong taong 2011 nang sa ganon ay makapamuhay ito ng payapa at normal sa tulong ng CLIP at maging produktibong mamamayan sa komunidad.

Tinalakay naman ni 1st Lt. Dave Estorninos, Civil Military Operations Officer ng 31st Infantry Battallion, ang mga hakbangin ng pagbabalik-loob at pagsuko ng armas ng mga rebeldeng nais magbalik-loob sa pamahalaan at kung sino ang mga taong maaari nilang pagkatiwalaang may kaugnayan sa gobyerno gaya ng pari o pastor, opisyales ng barangay, mayor, o sa pinaamalapit na himpilan ng pulisya at kampo ng militar.

Sinabi din ng opisyal na huwag nilang kalimutang dalhin ang baril sa kanilang pagsuko. Dadalhin sila umano sa pinakamalapit na kampo o opisinang may hawak ng “Guns for Peace Program” upang maproseso ang pagbabalik-loob at maibigay ang karampatang halaga ng baril na naisuko.

Inisa-isa din ang mga uri ng armas at ang katumbas na halaga nito kung isusuko nila ito: Light Machine Gun (7.62 mm) = Php214,000; M16 Rifle (5.56 mm) = Php50,000; M14 Rifle (7.62 mm) = Php60,000; M203 Rifle (40 mm) = Php40,000; US Rifle MI Garand (30mm) = Php30,000; US Carbine (MI) (30mm) = Php20,000.00; Shotgun 12ga Arscor (Local) = Php13,000; Cal. 45 Colt 1911 = Php39,000; Cal. 9mm Armscor Model 1911 = Php22,000; Revolver (38) (local made) = Php12,000.

Sa mga interesadong sumuko at gusto na ng matahimik na buhay lalo na yaong mga matatanda na, pagod nang tumakbo at mamuhay sa bundok, ay maari silang makipag-ugnayan o tumawag sa mga sumusunod na numero – 903rd Brigade na nakabase sa Castilla, Sorsogon: 09199930124 (Smart) at 0917 8461903 (Globe); sa 31st IB ay maaari namang makipag-ugnayan sa: 09399075314 (Smart) at 09175581317 (Globe); habang sa 93rd CMO Coy naman ay sa: 09467004424 (Smart) at 09262441334 (Globe). (BARecebido/AJamisola, PIA-5/Sorsogon)

No comments:

Post a Comment