LUNGSOD NG
SORSOGON, Oktubre 14 (PIA) – Nagpaalala si Provincial Election Supervisor Atty
Calixto Aquino sa mga balak kumandidato ngayong darating na halalan sa barangay
na hanggang sa Huwebes, Oktubre 17, na lamang sila maaring magsumite ng
kanilang Certificate of Candidacy (CoC).
Aniya, mas
makabubuting huwag na nilang hintayin pa ang huling araw ng pagsusumite ng CoC
upang maiwasan ang anumang mga pagkakaantala o di kaya’y pagsisiksikan sa loob
ng tanggapan ng Comelec.
Sinabi din ni Atty.
Aquino na bukas ang kanilang tanggapan mula alas-otso hanggang alas-singko ng
hapon kahit sa araw na deklaradong pista opisyal. Sa lalawigan ng Sorsogon
dalawang pista opisyal ang natapat sa itinakdang pagsusumite ng CoC, ang
Oktubre 15 para sa pagdiriwang ng Eidul Adha at sa Oktubre 17 para sa paggunita
ng ika-119 na anibersaryo ng Sorsogon bilang hiwalay na lalawigan sa Albay,
subalit malinaw na sinabi ni Atty. Aquino na hindi ito makakahadlang sa
pagsusumite ng CoC ng mga nais kumandidato para sa halalang pambarangay.
Maayos din umano ang daloy ng mga gawain sa
lahat ng tanggapan ng Comelec sa kasulukuyan, subalit patuloy pa rin silang nanawagan na maging
disiplinado ang mga kakandidato upang walang aberyang maganap at mga suliraning
kaharapin hanggang sa matapos ito.
Nilinaw din ni
Atty. Aquino ang ilang mga isyung hindi gaanong naunawaan tulad ng paghingi ng
balidong Identification Card sa mga nagsusumite ng CoC sa Sorsogon City. Aniya,
kung ang kakandidato ay may dala nang notaryadong CoC ay hindi na ito hihingian
pa ng valid ID, subalit kung hindi pa ito notaryado, ay maari nang mismong sa
election officer na abogado na lamang ito manumpa para sa notaryo, dangan nga
lamang at kailangang magpakita ito ng valid ID para sa opisyal na
pagkakakilanlan ng manunumpang kandidato. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment