LUNGSOD NG
SORSOGON, Nobyembre 4 (PIA) – Naging makabuluhan para sa mga Casiguranon ang
naging pagdiriwang ng Fish Conservation o FishCon Week nitong nakaraang
Oktubre.
Ayon kay Casiguran Mayor Ester Hamor,
naantala man ang selebrasyon dahil sa preparasyon para sa Kasanggayahan
Festival, hindi pa rin ito naging hadlang upang gawing makabuluhan ang
isinagawang mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang na ito.
Isa sa mga naging aktibidad ang pagkakaroon
ng coastal clean-up sa Barangay Central na nagbigay daan upang higit pang
mapukaw ang kamalayan ng mga residente ukol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng
malinis na dalampasigan. Nagtulong-tulong naman sa paglinis sa dalampasigan ang
mga boy scouts kasama ang ilang mga sundalo, mga kinatawan ng lokal na
pamahalaan at ang Barangay Fisheries and Aquatic Resources Management Council
(BFARMC). Sila din ang nanguna sa pagtatanim ng mga bakawan sa isa sa mga
kostal na barangay sa Casiguran, ang Barangay Tulay.
Noong ika-dalawampu’t-apat ng Oktubre ang
siyang naging pinakasentro at siya ring huling araw ng selebrasyon kung saan
buong araw ay punung-puno ng mga gawaing nakatuon sa pagpapalaganap ng
kahalagahan ng mga yamang-dagat at paghikayat sa mga tao na tumulong sa
pangangalaga ng mga yamang-dagat na ito para sa mga susunod pang salinlahi.
Matapos ang isang misa na sinundan ng parada
ay nagsagawa ng demonstration at lecture ang Bureau of Fisheries and Aquatic
Resources (BFAR) na kinapalooban ng pagtalakay kung paano gumawa ng fish pen at
fish cage at kung paano ang tamang pag-alaga sa mga primerang klase ng lamang-dagat
tulad ng lapu-lapu, bangus at sugpo.
Ipinakita naman ng LGU-Casiguran ang
kanilang buong suporta sa pangunguna ni Mayor Ester Hamor. Itinuon niya ang
kanyang mensahe sa pagbibigay ng abot-abot na pasasalamat sa lahat ng mga
lumahok at nakiisa sa naturang selebrasyon at tiniyak nitong handa ang lokal na
pamahalaan ng Casiguran na sumoporta sa mga programang tiyak na kapupulutan ng
aral at magbibigay ng benepisyo hindi lamang sa kanyang mga nasasakupan kundi
maging sa kung ano ang makabubuti sa kapaligiran.
Ang Fish Conservation Week celebration ay alinsunod
sa Proclamation Number 176 na inilabas noong Oktubre 21, 1963 at ipinagdiriwang
tuwing Oktubre 13 hanggang Oktubre 19. Ngayong taon, ang Pilipinas ay
nagdiriwang ng 50th FishCon week na may temang, “Pangisdaang
Pinagyaman Ngayon, Henerasyong Sagana sa Panghabang Panahon.” (BARecebido,
PIA-5/Sorsogon/IRDF)
No comments:
Post a Comment