SORSOGON PROVINCE (March 18) – Isasakatuparan ngayong araw ng Provincial Gender and Development Council sa pakikipagtulungan nito sa Sorsogon Women’s Network for Development ang pagsasama-samang muli ng mga kababaihang lider sa buong lalawigan ng Sorsogon.
Bibigyang-tuon sa gagawing forum ang mga mahahalagang kontribusyong nagawa ng Gender and Development Program sa mga naging benepisyaryo nito sa ilalim ng pagpapatupad ng PGADC.
Ayon pa kay Provincial Board Member Committee Chair on Women and Family Relations Rosario Diaz, ang pagdiriwang ng buwan ng mga kababaihan ay hindi lamang nakatuon sa pagbibigay-pugay sa kanila kundi para sa bawat pamilya at para na rin sa komunidad.
Aniya, natutuwa siyang marami nang kababaihan ang ngayon ay lumalabas at nakikilahok na sa mga panlipunang aktibidad.
Patunay lamang aniya ito na maraming mga kababaihan na ngayon ang empowered at nagiging equal partners na ng mga kalalakihan sa pagbuo ng matatag na bansa.
Pinatotohanan din niya bilang babae na ang pagkakapasok niya sa public service ay nagdala din ng malaking ambag upang makamit ang minimithing pagkilala sa mga kababaihan at sa tulong nito sa pag-unlad ng Sorsogon.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang mga kababaihan na makiisa sa pagdala ng pagbabago sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ngayong darating na halalan.
Samantala, buo naman ang suportang ipinapakita ni Sorsogon Gov. Sally Lee sa grupo ng mga kababaihan sa lalawigan sa pangunguna ng Sorsogon Womens Network for Development.
Ayon sa gobernador, suportado niya ang mga aktibidad ng mga kababaihan dito at ang mga programang higit na makakatulong upang mapalago pa ang kakayahan ng mga ito tungo sa mas higit pang pag-unlad. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment