Tagalog News Release
SORSOGON CITY (May 28) – Muling napanatag ang kalooban ng mga residente sa dito matapos na matagumpay na mahuli ng pinagsamang pwersa ng Sorsogon Provincial Public Safety Management Company at Provincial Intelligence Section ng Sorsogon Police Provincial Office ang dalawang suspetsadong swindler na nagsasagawa ng operasyon dito sa lungsod ng Sorsogon.
Sa pamamagitan ng entrapment operations na ginawa ng mga awtoridad sa Capitol Compound, Sorsogon City nitong Miyerkules, May 26, naaresto sina Leo Hernandez Y Equipado, labing-walong taong gulang, binata at residente ng Phase II, Block 18, Lot 2, Seabreeze Homes, Cabid-an, Sorsogon City at si Reynald Patilano Y Detera, labing-siyam na taong gulang, binata at residente ng Garcia Compound, Bibincahan, Sorsogon City dahilan sa paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code.
Ayon kay SPPO Public Information Officer PSupt. Angela Rejano, nakuha sa mga suspetsado ang marked money na ginamit sa entrapment operations at dalawang cellphones na may SIM card na pinaniniwalaang siyang ginagamit ng mga ito sa kanilang transaksyon upang makapambiktima.
Malaki ang naging pasasalamat ng mga pulis sa isang sibilyang kinilalang si Marites Daep ng Sorsogon City dahilan sa agarang pagsumbong nito sa mga awtoridad na naging daan upang agad ding mahuli ang mga salarin.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang pulisya sa publiko na tulad ni Daep ay patuloy na makiisa sa mga awtoridad nang sa gayon ay matuldukan na ang mga taong mapagsamantala sa kapwa at iba pang mga krimeng nakakahadlang upang makamit ang katiwasayan at pag-unlad ng lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon/SPPO)
No comments:
Post a Comment