Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (March 31) – Masayang inihayag ni Bureau of Internal Revenue District Officer Arturo Abenoja na nagpapatuloy ang magandang performance ng BIR Sorsogon ukol sa koleksyon ng buwis sa pagpasok nitong 2nd quarter ng taon.
Sinabi ni Abenoja na mas tumataas at maaaring lumampas sa target ang koleksyon nila ng buwis ngayong 2nd quarter kumpara nitong nakaraang 1st quarter at maging sa koleksyon ng BIR noong 2nd quarter ng 2009.
"Nito lamang buwan ng Abril ay mahigit na sa isang milyong piso ang nakokolekta ng BIR Sorsogon. At sakaling bumaba man ang koleksyon nitong Mayo ay kumpyansa pa rin kami na kayang-kayang punan ito ng aming koleksyon noong Abril," pahayag pa ni Abenoja.
Subalit, binigyang-diin niya na malabo na ring bumaba ang koleksyon sa buwan ng Mayo bagkus ay tataas pa ito dahilan sa mga proyektong inihahabol pang maisagawa ng mga lokal na pamahalaan kung saan may mga budget na ring nakalaan at tanging ang pagpapatupad na lamang ang hinihintay.
"Ang pagtaas na ito ng aming koleksyon ay utang namin sa mga mamamayan na sa ngayon ay mas bukas na sa panawagan ng BIR ukol sa tamang pagbabayad ng buwis at paghingi ng resibo sa mga transaksyon nito," ayon pa sa kanya.
Dagdag din niya na base sa kanilang obserbasyon, maging ang mga may negosyo dito ay boluntaryo na ring nagbibigay ng mga resibo sa mga mamimili.
Kaugnay nito, positibo si Abenoja na magiging maganda ang itatakbo ng kanilang koleksyon sa buwis ngayong taon. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment