Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (June 1) – Nanawagan si BFAR Provincial Fisheries Officer Gil Ramos sa mga Local Government Units na mahigpit na ipatupad ang Republic Act 8550 o ang Batas Pampangisdaan ng 1998.
Ayon kay Ramos ilan sa mga suliraning hanggang sa kasalukyan ay hindi pa rin nabibigyang-solusyon ay ang paglabag sa mga ipinagbabawal na gawaing pampangisdaan kung kaya’t umaapela siya sa mga opisyal ng Local Government Units na mahigpit na ipatupad ang batas na sumasaklaw dito.
"Kabilang sa mga ipinagbabawal na gawaing pampangaisdaan ay ang paggamit ng pampasabog, kuryente, superlight, fine meshed net, active gear at muro-ami, pagkuha ng mga puting buhangin, conversion ng mga bakawan, paglabag sa itinakdang dami ng huhulihing lamang-dagat, polusyon sa katubigan, panghuhuli at pag-export ng mga korales at, iba pang mga gawaing makapipinsala sa tirahan at buhay ng mga lamang-dagat," pagbibigay-diin ni Ramos.
Samantala, sinabi ni Ramos na handa ang kanilang tanggapan na magbigay-tulong sa mga LGU sa pamamagitan ng pagpapahiram ng mga model ordinances at pagreview sa mga batas pampangisdaan na nais ipasa ng mga lokal na pamahalaan dito.
"Balak din naming maupo sa sesyon ng mga Sangguniang Bayan at Lungsod upang i-orient ang mga ito at i-review ang mga kaukulang batas na makakatulong upang mapangalagaan ang mga katubigan at programang pampangisdaan ng pamahalaan," pahayag pa niya. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment