Thursday, June 3, 2010

SORSOGON NAGHAHANDA SA PAGDATING NG LA NIÑA

tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 2) – Sa kabila ng naramdamang init ng temperatura at madalang na pagbuhos ng ulan nitong mga nakaraang araw, pinaghahandaan na sa ngayon ng lalawigan ng Sorsogon ang napipintong pagdating ng La Niña sa bansa.

Ayon kay Provincial Public Safety and Disaster Management Office Information Officer Manro Jayco, nasa proseso sila ngayon ng pag-follow-up sa mga previously Disaster Risk Reduction (DRR) trained officials ng mga pamahalaang bayan sa buong lalawigan bilang paghahanda na rin sakaling direktang tamaan ng La Niña ang Sorsogon.

Inihahanda na rin nila diumano ang pagsasailalim sa orientation ng mga bagong mauupong local officials at action officers ng mga Municipal Disaster Coordinating Councils (MDCC) kung sakali man, upang mas maging magagaling at epektibong lider ang mga ito.

"Paiigtingin din namin ang performance ng ating rain gauge monitoring officers partikular sa tatlong aydentipikado at tinututukang flood-prone areas sa lalawigan --- ang Brgy. Incarizan sa Magallanes, Brgy. Cogon sa Irosin at Brgy. Banuang Gurang sa bayan naman ng Donsol,upang maging epektibong magagamit ang mga resultang kanilang makakalap" dagdag pa ni Jayco.

Aktibo na rin, aniya, ang kanilang mga tauhan sa paglilibot sa mga munisipalidad lalo na sa mga konsideradong low-lying, flood prone at coastal areas upang mabigyang babala ang mga DRR leaders dito ukol sa mga epektong idudulot ng tuloy-tuloy na mga pag-uulan sa hinaharap.

Matatandaang ayon sa PAG-ASA, maaaring maramdaman ang sunod-sunod na mga pag-uulan sa buwan ng Hulyo. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment