Tuesday, June 22, 2010

LIVELIHOOD PROGRAM NG PNP SORSOGON PATULOY

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 22) – Patuloy ang Sorsogon Provincial Police Office sa pamumuno ni PNP Provincial Director PSSupt Heriberto Olitoquit sa pagbibigay ng kasanayang pangkabuhayan sa mga kapulisan sa buong lalawigan ng Sorsogon.

Kamakailan lamang ay matagumpay na naisagawa ng SPPO ang Mushroom Culturing Seminar kung saan personal na lumahok din si Olitoquit at ang kanyang mga tauhan.

Kasama sa naging mga aktibidad ay ang educational exposure sa isang mushroom organization sa Brgy. Buhatan, dito sa lungsod ng Sorsogon, upang higit na maunawaan ng mga kalahok ang mahahalagang detalye sa mushroom culturing.

At nito lamang nakaraang linggo ay naging mabunga din ang isinagawang vermi composting production seminar kung saan tinuruan ang mga kalahok ng kahalagahan ng bulate sa paggawa ng organic fertilizer.

Sa pamamagitan ng vermi composting production mas nagiging masustansya ang lupa para sa mga pananim at nakakaiwas ito sa epekto ng patuloy na pagbabago at pagsama ng panahon.

Ayon kay Olitoquit, maliban sa partisipasyon ng mga tga-SPPO ay nilahukan din ang nasabing mga livelihood seminars ng mga kapulisan mula sa iba’t-ibang mga police stations sa lalawigan, mga kasapi ng media at ng Sorsogon Islamic Guidance Association, isang religious fellowship group dito.

Ang dalawang magkasunod na seminar ay ang ikaapat at ikalimang serye ng mga pagsasanay na isinasagawa ng SPPO sa ilalim ng kanilang Livelihood Program na tinagurian nilang Pagkakakitaang Kabuhayan: “Benepisyo Ko, Benepisyo Mo”.

Ayon kay Olitoquit paraan ito ng mga kapulisan bilang suporta na rin sa Environmental Friendly Livelihood Program na ipinatutupad ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Layon nitong ganyakin ang mga kapulisan at ang pamilya nito sa larangan ng pagtitipid at pagpasok sa mga profitable activities upang mapataas pa ang antas ng kanilang pamumuhay.

Matatandaang sumailalim na rin ang mga kapulisan dito sa pagsasanay sa pagluto ng mga minatamis na pili, pagsasanay ukol sa container gardening at sa pag-aalaga at pagpapa-itlog ng pugo.

Naging tagapagturo dito ang mga livelihood skilled trainors mula sa City Agriculture Office. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment