Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (June 22) – Bugso ng kagustuhang matulungan ang pamahalaan sa pagsusulong nito ng de-kalidad na uri ng edukasyon sa bansa, pinasinayaan noong Huwebes, June 17, ang NOAH Multi-purpose building sa Catanusan Elementary School sa Juban, Sorsogon, na naipatayo sa pamamagitan ng The Lions Club of Bulan, Sorsogon, Philippines sa pangunguna ni Charlene Diamante at Lions Club Voerde/Niederrhein, Germany sa pangunguna naman ni Peter Koslowsky sa pakikipagtulungan ng Department of Education at lokal na pamahalaan ng Juban.
Matapos ang banal na misa ay agad na nagkaroon ng maikling programa na kinapalooban ng turn-over of deed of donation kay Schools Division Superintendent Dr. Marilyn Dimaano na siyang tumayo bilang donee.
Nagsagawa din ng medical mission ang Lions Club Bulan at Voerde chapter, DepEd at LGU health personnel, private doctors at mga dentista kasama na rin ang mga barangay health officials kung saan umabot din sa daang mga residente ang nabiyayaan ng iba’t-ibang mga medical services.
Sa pamamagitan ng mag-asawang Dr. Peter Koslowsky at Dr. Marlene Ruth Hermo-Koslowsky, nagsanib sa pag-abot ng tulong ang Lions Club Bulan at Lions Club Voerde upang makapagpatayo noong 2003 ng karagdagang school building sa Brgy. Catanusan, na sa kasamaang palad ay nasira ng nagdaang malakas na bagyo at pagbaha.
Kung kaya’t noong ika-labingwalo ng Nobyembre 2009, matapos mapirmahan ang Award of Agreement ay sinimulan agad ang pag-aayos at pagtatayo ng bagong school complex sa Catanusan Elementary School kasama na rin ang pagkuha ng mga karagdagang guro. At noong Huwebes nga ay pinasinayaan na ito
Ayon kay Dr. peter Koslowsky, ang buong school complex ay nilagyan din ng library, furnitures, playing ground, pader na panlaban sa baha at malinis na tubig para magamit ng mga mag-aaral at guro.
Dagdag pa niya na hindi magtatagal ay magkakaroon na rin ng computer class dito at makapagpapatayo rin sila ng medical first aid station na magbibigay serbisyo hindi lamang sa Catanusan kundi maging sa mga kalapit-barangay nito.
Naghayag din ng katuwaan si Koslowsky matapos na malamang tumaas ng dalawangdaan-pitumpo ang mga mag-aaral na nag-enrol ngayon sa nasabing paaralan.
Aniya, sa patuloy nilang pagtutulungan, nakatitiyak sila ng magandang bukas para sa mga mag-aaral hindi lamang sa Brgy. Catanusan kundi sa mga kalapit na lugar nito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment