SORSOGON PROVINCE (June 22) – Walang sinuman ang nakakaalam kung kailan magaganap ang insidente ng sunog kung kaya’t nararapat lamang na pag-ibayuhin ng sinuman ang pag-iingat at pagiging responsable nang sa gayon ay maiwasan ang pagkakasira ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay.
Ito ang naging pahayag ni Bureau of Fire Protection Sorsogon City Fire Marshal Renato Marcial kasabay ng panawagan nila sa publiko na huwag harangan ang mga fire hydrants na nakalagay sa mga istratehikong lugar dito sa lungsod dahilan sa dito sila kumukuha ng tubig sa panahong nagkakaroon ng sunog.
Sinabi ni Marcial na base sa resulta ng isinagawa nilang fire safety inspection kamakailan, nadiskubre nilang ilang mga fire hydrants ang hindi na makita dahilan sa naharangan na ito ng mga sidewalk vendors, mga nakaparadang traysikel o di kaya’y mga basura at basurahan.
Kaugnay nito, inatasan niya ang kanyang mga tauhan na maglagay ng malalaking warning signs sa tabi ng mga fire hydrants partikular yaong nakalagay sa kahabaan ng Rizal at Magsaysay St.
Malinaw na nakasaad sa warning signs na ang pagharang sa mga fire hydrants ay paglabag sa Section 11.00.1D ng Republic Act 9514 o ang newly amended Fire Code of the Philippines.
Alinsunod sa batas na ito, ang sinumang haharang o magiging dahilan upang maharangan ang akses sa mga fire hydrants ay papatawan ng kaukulang penalidad na nagkakahalaga ng Php12,500 hanggang Php25,000.
Kaugnay nito, sinabi ni Marcial na hinihingi nila ang kooperasyon at suporta ng publiko sa pagpapatupad ng nasabing batas at mangyaring ireport sa tanggapan ng BFP ang sinumang kakikitaan ng paglabag nito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment