Tuesday, June 22, 2010

TASK FORCE LA NIÑA BUBUUIN

SORSOGON PROVINCE (June 22) – Bilang paghahanda sa pagdating ng La Niña sa bansa, nagpatawag ng pulong ngayong araw si Sorsogon Governor Sally A. Lee sa mga kasapi ng Provincial Disaster and Coordinating Council (PDCC) upang buuin ang Sorsogon Task Force La Niña.

Matatandaang una nang nilagdaan ni Lee ang Executive Order No. 2 series of 2010, na bubuo sa Task Force La Niña ng lalawigan bilang bahagi ng aktibidad pangkahandaan ng PDCC.

Ang Task Force La Niña ang siyang magrerekomenda, susubaybay at magpapatupad ng mga kaukulang hakbang upang hindi lumala ang epektong dadalhin nito.

Sinabi ni Lee na bago pa man niya nilagdaan ang nasabing EO ay naging aktibo na ang Provincial Agriculture, National Irrigation Administration at ang Sorsogon Provincial Public Safety Disaster Management Office (SPPSDMO) dito sa paggawa ng proposal at plan of action na mahalaga upang mapigilan ang negatibong epektong maaaring idulot ng La Niña sa lalawigan.

Ayon naman kay SPPSDM Officer Jose Lopez, may ugnayan na rin sa pagitan ng provincial LGU at National Irrigation Administration para sa mga kaukulang paghahanda sa mga irrigation canals at drainage systems sa mga pangunahing lugar palayan at flood-prone areas dito.

"Ilang mga rekomendasyon na rin ang natanggap ng SPPSDMO mula sa mga kinauukulang ahensya at tanggapan dito na mahalaga sa pagbibigay proteksyon sa mga naapektuhang sektor sakaling may dumarating na kalamidad," pahayag ni Lopez.

Samantala, inaasahan namang magbubunga ng positibong resulta ang isasagawang pulong mamaya. 9Bennie A. Recebido)

No comments:

Post a Comment