Wednesday, June 9, 2010

SORSOGON BAY AT JUAG LAGOON NANANATILING LIGTAS SA PARALYTIC SHELLFISH POISONING

SORSOGON PROVINCE (June 9) – Nananatiling negatibo sa red tide toxin ang Juag Lagoon sa bayan ng Matnog at ang Sorsogon Bay sa lungsod ng Sorsogon kung kaya’t patuloy na mai-enjoy pa rin ng mga residente ang pagkain ng mga lamang-dagat mula sa dalawang look.

Sa pinakahuling bulletin na ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nasa anim na lamang na look at katubigan sa buong bansa ang positibo na lamang sa paralytic shellfish poisoning na kinabibilangan ng Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Bislig Bay sa Bislig City, Surigao del Sur; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental at mga kostal na katubigan sa Bolina at Anda sa Pangasinan.

Subali’t binigyang-diin ni Provincial Fisheries Officer Gil Ramos na kahit pa nga nananatiling ligtas sa paralytic shellfish poisoning ang mga look sa Sorsogon, patuloy pa rin nilang pinag-iingat ang publiko sa pamamagitan ng tamang paglilinis at pagkain ng mga preskong lamang-dagat na nakukuha sa katubigan ng Sorsogon.

Binigyang babala din niya ang publiko na doblehin ang pag-iingat at higit na maging mapagmanman lalo na sa pagpasok ng La Niña kung saan matapos ang sobrang init ng panahon ay agad na susundan ng matinding tag-ulan sapagkat ang mga ganitong sitwasyon ang maaaring magpabalik sa mga organismo ng red tide. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment