Friday, June 11, 2010

SORSOGON HANDA NA SA PAGDIRIWANG NG 112TH PHILIPPINE INDEPENDENCE

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (June 11) – Handa na ang provincial at city government ng Sorsogon para sa isang simpleng seremonya kaugnay ng paggunita sa ika-isangdaan at labing dalawang taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa bukas, June 12 na may temang “KALAYAAN:Tagumpay ng Bayan”.

Ayon kay Sorsogon Governor Sally A. Lee ipinalabas na niya noon pang ika-dalawampu’t walo ng Mayo sabay sa pagdiriwang ng Philippine Flag Day ang Memorandum No. 22 series of 2010 na nag-aatas sa lahat ng mga pinuno at empleyado ng mga tanggapan sa lalawigan na makiisa sa simpleng seremonya ng paggunita sa kalayaan ng bansa na gagawin sa Freedom Park, Capitol Ground.

Tatampukan ito ng seremonya ng pagtataas ng Watawat ng Pilipinas kasabay ng pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas sa pangunguna ng Philippine National Police, ganap na alas-syete y medya ng umaga.

Susundan ito ng Panunumpa sa Watawat na pangungunahan naman ng kinatawan mula sa Department of Education.

Matapos ito ay isusunod naman ang pag-aalay ng mga bulaklak ng mga chief of offices dito sa munumento n gating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.

Samantala, ayon naman kay PNP Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit, nananatiling handa at alerto naman ang mga kapulisan dito kaugnay pa rin ng gagawing selebrasyon bukas.

Nanawagan din siya sa publiko na makiisa at panatilihing mapayapa ang anumang mga hakbang na gagawin bilang pagpupugay sa tunay na demokrasya sa bansa. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment