Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE – Opisyal na sinimulan ng Philippine National Police Sorsogon Provincial Office noong Lunes, July 5, ang kanilang ika-labinlimang taong selebrasyon ng Police Community Relations Month sa pamamagitan ng isang motorcade.
Buo naman ang naging suporta ng iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan dito na aktibong nakilahok sa isinagawang Flag Raising Ceremony bago tuluyang isinagawa ang motorcade sa kahabaan ng pangunahing lansangan ng lungsod ng Sorsogon.
May temang ”Pulisya at Mamamayan Tungo sa Matatag na Pagkakaisa ng Pambansang Kapayapaan at Kaunlaran,” binigyang-kahulugan ito ni Police Provincial Director PSSupt. Heriberto Olitoquit sa kanyang mensahe sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng kagandahan ng pagkakaisa ng mga pulis at komunidad sa pagkamit ng malakas at maunlad na bansa.
Samantala, sa kaugnay pa ring balita, nakatanggap naman ng sertipiko ng pagkilala ang Bulan Municipal Police Station bilang Best Police Community Relations Unit. Ang parangal ay personal na tinanggap ni Bulan Police Chief Efren Orlina.
Best PCR Police Non-Commissioned Officer naman si SPO1 Edgar A. Calupit dahilan sa pambihirang mga nagawa nito sa larangan ng police community relations.
Ayon kay SPPO Public Information Officer Psupt Angel Rejano, binigyan din ng kaukulang parangal ang City Agriculture Office, Provincial Council of Community Elders at ang Sorsogon College of Criminology Incorporated College Red Cross Youth Council dahilan sa kanilang natatanging kontribusyon sa mga programang pangkabuhayan at mga aktibidad na isinusulong ng PCR office na isa rin sa mga sangkap upang matupad ng PNP ang kanilang misyon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment