Wednesday, July 7, 2010

PATAKARAN NG PNP-SORSOGON PINAIGTING

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (July 7) – Sa pagnanais ng Philippine National Police na patuloy na magkaroon ng respetadong imahen sa publiko, mahigpit ang utos ni Police Provincial Director PSSupt. Hereiberto Olitoquit sa mga tauhan nito na sundin ang tamang patakaran sa pagsusuot ng kanilang mga uniporme.

Ang kautusan ay bahagi pa rin ng patuloy na pagpupunyagi ng PNP na maging respetado sa tingin ng publiko ang mga unipormadong tauhan ng pamahalaan kabilang na rito ang pagpapatupad ng LOI TAMANG-BIHIS o ang tamang pagsusuot ng mga uniporme ng mga pulis lalo na sa panahon ng kanilang trabaho bilang mga serbidor ng bayan.

Ayon kay Olitoquit, bago pa man isabak sa trabaho ang mga pulis ay sumasailalim ito sa protocol orientation, kung kaya’t tiyak niyang alam ito ng sinumang pulis.

Dagdag pa ni Olitoquit na kinakailangang maayos tingnan ang suot na uniporme ng PNP partikular ang PNP GOA uniform habang nasa kani-kanilang trabaho ang mga ito.

Kinakailangan din aniyang maisapuso ng mga unipormadong pulis ang mga magagandang kaugalian ng isang Mama at Aleng Pulis tulad ng pagiging Maka-Diyos, Maaasahan, Madaling Lapitan at Makatao.

Samantala, sinabi ni Olitoquit na patuloy din ang pagpapatupad at pagsunod ng mga kapulisan dito ng Anti-Kotong campaign kung saan layon nitong huwag magkaroon ng korapsyon sa organisasyon ng PNP alinsunod na rin sa panawagan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Matatandaan ding matapos ang inagurasyon kay Pangulong Noynoy Aquino ay agad ring ipinatupad ng PNP Sorsogon ang mga patakaran at tamang paggamit ng wangwang o sirena ng mga behikulo nito.

Sinabi rin ng opisyal wala din silang naitatalang umaabuso sa paggamit ng sirena o wangwang dito sa lalawigan. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment