Tuesday, July 13, 2010

DAR-SORSOGON PINAGAGANDA PA ANG SERBISYO SA PUBLIKO

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE – Upang matulungan ang mga mag-aaral at mananaliksik sa kanilang mga pag-aaral, inilunsad ng Department of Agrarian Reform Sorsogon ang kanilang bagong website, ang www.dar.gov.ph/sorsogon.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Officer Roseller Olayres, sa pamamagitan ng bagong gawang website ng DAR Sorsogon, hindi na kailangan pang dumayo ng mga mag-aaral sa kanilang tanggapan sa Brgy. Balogo, Sorsogon City upang kumuha ng mga impormasyon at magresearch sapagkat maaari na nilang makita ang hinahanap nila sa internet. Ito rin aniya ang kanilang kasagutan sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya ng makabagong henerasyon.

Sinabi ni Olayres na ilan sa mga datos na makikita dito ay ang kasaysayan ng DAR Sorsogon, ang organizational structure at provincial officers nito, accomplishment reports ng tanggapan at ang tatlong major components ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Makikita din ang DAR Ladies Association; Gender and Development; Human Resource Development; DAR Employees Association; President Diosdado Macapagal Agrarian Scholarship Program; Foreign Assisted Projects; mga kwento ng Agrarian Reform Beneficiaries; mga balita ng DAR at marami pang ibang idadagdag sa mga darating na araw.

Ayon pa kay Olayres maging sa mga kasapi ng media ay magiging madali na rin ang pagkalap ng mga impormasyon at pinakahuling balita sa pamamagitan ng news corner ng kanilang website.

Maging ang mga kasaysayan ng pagsisikap ng mga magsasaka na malabanan ang kahirapan ay maaari ding mabasa doon.

Sakali din aniyang may mga reaksyon o katanungan ay maaaring ipadala ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng email address na nakalagay sa website at tinitiyak ng kanilang web team na makararating at sasagutan ito ng mga kinauukulan.

Sumailalim na rin sa review at assessment ang ang kanilang website kung kaya’t tiniyak ni Olayres na makapagbibigay ito ng komprehensibo at napapanahong impormasyon sa sinumang mangangailangan nito. (PIA Sorsogon/ ulat mula sa DAR Sorsogon)

No comments:

Post a Comment