Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (July 13)– Malaki ang naging pasasalamat ng mga Sorsoganong nanginabang sa tulong medikal na inihandog ng Bicol Clinic Foundation nitong nakaraang buwan ng Mayo hanggang noong Biyernes, July 4.
Ayon sa ilang mga naging pasyente, nagagalak silang nabigyang pansin ang kalusugan ng mga mahihirap na residente sa pamamagitan ng medical mission na taunang isinasagawa dito ng mga dayuhang doktor.
Ayon naman kay James Fishelson, Vice President ng Bicol Clinic Foundation, dalawampu’t-dalawang mga dayuhang doktor na may kanya-kanyang field of specialization ang namalagi dito sa lungsod kung saan sinuri at ginamot nito ang halos isangdaa’t tatlumpong mga pasyenteng dumadayo sa kanilang klinika araw-araw.
Aniya, halos ay anim na taon na ring dumadayo ang mga american volunteer doctors na ito dito kung saan ginagamot nila ng libre ang anumang uring sakit na idinudulog sa kanila, mula minor hanggang serious cases.
Sinabi pa ni Fishelson na general outpatient care ang ibinibigay na serbisyo ng kanilang klinika sa Buenavista, Brgy. Rizal, Sorsogon City, ngunit, mayroon din aniya silang surgery, pre-natal at iba pang mga laboratory services, depende sa pangangailangan ng pasyente.
At kung sakaling hindi nila makaya dahilan sa kulang pa rin sila ng mga aparatus, nirerefer nila ang pasyente sa mga akreditadong ospital at nagbibigay din sila ng tulong pinansyal sa mga ito.
Ayon pa kay Fishelson, hangga’t may nakikita pa silang mga pasyenteng dapat na tulungan ay magpapatuloy ang gawain nila ng panggagamot. Ito aniya ang misyon ng kanilang foundation sa pangunguna ng kanilang founder at chairman na si Dr. Mich Schuster at ng Pilipinong kabiyak nito na si Marites Lacsa-Schuster na tubong Bulan, Sorsogon.
Sa kabuuang bilang ay umabot din sa mahigit tatlong libong mga pasyente ang natulungan sa loob ng halos ay dalawang buwang pamamalagi nila dito kung saan nakapagrefer din sila ng pasyente for kidney transplantation at nakapanggamot ng seryosong kaso ng tubercolusis with parasites.
Sa ngayon ay may dalawampung doctor specialists ang Bicol Clinic Foundation, maliban pa sa midwife, registered nurse at permanent staff na nakaditine sa kanilang klinika mula Lunes hanggang Sabado.
Patuloy din diumano ang kanilang koordinasyon sa city at provincial-LGU at maging sa Sorsogon Provincial Health Office upang higit pang mapataas ang kalidad ng kanilang serbisyong pangkalusugan sa mga Sorsoganon.
Balak din ng Bicol Clinic Foundation na bigyan ng personal hygiene activities at lecture ang kanilang mga pasyente at gawing full-grown hospital sa hinaharap ang kanilang klinika.
Dagdag pa ni Fishelson na nais din nilang ganyakin ang mga kabataan sa Amerika at maging dito sa Pilipinas na makibahagi sa pagtulong sa kapwa at kung maaari ay simulan na ito habang bata mga pa sila. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment