Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE – Nagpahayag ng tiwala si School Division Superintendent Marilyn Dimaano ng DepEd Sorsogon na masosolusyunan ng administrasyong Aquino ang mga kinakaharap na suliranin ng kanilang kagawaran gaya ng kakulangan sa aklat, mga silid-aralan at mga guro.
Ayon kay Dimaano, ang mga kakulangan nito ang nagsisilbing prime factors kung bakit patuloy na bumababa ang kalidad ng public education sa bansa.
Dagdag pa niya na sa pagbibigay prayoridad ngayon ng Pangulong Aquino sa edukasyon, naniniwala siyang may magandang bukas na naghihintay sa Kagawaran g Edukasyon sa bansa.
Tiniyak din niya sa publiko na patuloy din ang ginagawang pagsisikap ng DepEd Sorsogon upang solusyunan ang suliranin sa kalidad ng edukasyon at mapaangat ang kaalaman ng mga mag-aaral lalong-lalo na sa mga pampublikong paaralan.
Matatandaang kamakailan ay diretsahang inamin ng DepEd Sorsogon Division Office na naging bagsak ang kalidad ng edukasyon dito sa lalawigan matapos na lumabas na panghuli ang lalawigan sa buong rehiyon sa mga may magandang kalidad ng edukasyon.
Sinabi ni Dimaano na 86% lamang ang pinakamataas na gradong nakuha ng isang mag-aaral mula sa isang paaralan sa Juban sa pinakahuling national achievement examination.
Kaugnay nito, inatasan na rin niya ang mga supervisors at mga prinsipal sa buong lalawigan na bigyan ito ng higit na malaking atensyon at ituon sa pagpapaangat ng kalidad ng edukasyon ang lahat ng kanilang mga pagsisikap.
Samantala, sinabi rin niya na wala silang magagawa sakaling pormal nang ipag-utos ng Deped Central Office ang pagkakaroon ng 12-year basic education sa bansa.
Subalit, binigyang-diin din niya na sana ay masusi pang pag-aralan ito partikular ang magiging epekto nito sa lahat bago tuluyang ipatupad. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment