Thursday, September 23, 2010

PDCC PATULOY NA NAKAALERTO SA PAGDATING NG LA NINA; MGA RESIDENTE PINAG-IINGAT

Taglog News Release

SORSOGON PROVINCE (Sept 23)– Dahilan sa sunud-sunod nang mga pag-uulan ngayon, nakaalerto ang Provincial Disaster Coordinating Council upang matiyak na hindi ito magdudulot ng higit na malalaking pinsala sa mga buhay at ari-arian ng mga residente dito.

Nananatili ang abiso ng PDCC sa mga opisyal at residente ng mga barangay na high-risk sa pagbaha at landslides na pag-ibayuhin ang pag-iingat sa lahat ng oras.

Tuloy-tuloy din ang pagbibigay nila ng kanilang technical expertise sa ginagawang mga pagsasanay sa iba’t-ibang mga barangay sa lalawigan lalo na sa mga lugar na malaki ang panganib sa baha at mga landslides.

Matatandaang sa pag-aaral ng Climate Change Congress of the Philippines (CCCP) isa ang Sorsogon sa animnapu’t-siyam na mga lalawigan sa bansa na vulnerable sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sakaling maranasan na dito ang matinding pag-uulan o ang La Nina phenomenon.

Habang sa taya naman ng Mines and Geosciences Bureau Bicol, pitong mga bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon ang lantad sa panganib ng pagguho ng lupa kung saan kinabibilangan ito ng mga bayan ng Bulan, Irosin, Juban, Magallanes, Matnog, Sta. Magdalena at Sorsogon City.

Subalit, binigyang-diin ng pamunuan ng MGB na bilang pag-iingat na rin, yaong mga residente sa mga lugar na hindi nabanggit ay hinihikayat pa rin na pag-ibayuhin ang pag-iingat at gawin ang kaukulang mga paghahanda sakaling ipag-utos ang paglilikas tungo sa mas ligtas na mga lugar. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment