Tuesday, September 28, 2010

GOBERNADOR NG SORSOGON UMAPELA NG SUPORTA SA GLOBAL ALLIANCE FOR RABIES CONTROL

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Sept 28) – Upang paigtingin pa ang kampanya ng pamahalaang probinsyal ng Sorsogon laban sa bagsik ng rabis, umapela ng suportang pinansyal si Sorsogon Governor Raul Lee sa Global Alliance for Rabies Control, isang non-government organization na nakabase sa United Kingdom.

Sa sulat ni Gov. Lee kay Dr. Deborah J. Briggs ng Global Alliance for Rabies Control, inihayag nito ang kanyang pagnanais na masustinihan at mapaigting pa ang rabies elimination program ng lalawigan sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga organisasyong tulad ng GARC nang sa gayon ay tuluyan nang matuldukan ang nakamamatay na sakit na ito.

Nakahanda din diumano ang kanyang tanggapan na magbigay ng kaukulang counterpart kung sakali, na kukunin mula sa Provincial Development Fund.

Sa panayam naman kay Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, sinabi nitong dalawampung milyong piso ang pondong hinihiling nila sa GARC para maipatupad ang isang taong anti-rabies program dito sa lalawigan.

“May kanya-kanyang mga anti-rabies ordinances na rin ang bawat LGU sa Sorsogon kung saan ang iba nito ay amended na, subalit hindi maipatupad ng tuluyan dahilan na rin sa kakulangan ng pondo,” ayon kay Espiritu.

Sa pamamagitan diumano ng pakikipag-alyansa sa GARC, umaasa silang tuluyan nang masusugpo ang anumang suliranin dito na may kaugnayan sa rabis.

Sa kasalukuyan, ang Sorsogon ay may apat na animal bite center na matatagpuan sa Dr. Fernando Duran Sr. Memorial Hospital o mas bantog bilang Provincial Hospital, mayroon din sa Irosin District Hospital, Gubat District Hospital at Donsol District Hospital habang pinoproseso naman ang kaukulang mga rekisitos upang magkaroon din ng animal bite center ang Sorsogon City.

”Sa ngayon ay contained na rin ang mga kaso ng rabis dito sa lalawigan, at sa ilang mga kasong naitala, hindi dito sa Sorsogon aktwal na nakagat ng aso ang ilang mga biktima kundi sa ibang lugar subalit, dito na lamang sila inatake ng bagsik ng rabis,” pahayag pa ni Espiritu.

Samantala, ngayong araw, Sept. 28, ay ginugunita naman ang world anti-rabies day sa pitumpu’t-apat na bansa sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment