Tagalog News
SORSOGON PROVINCE (September 8) – Sa unang walong buwan mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, nakapagtala na ng apatnaraan walumpu’t-pitong index crimes o mabibigat na krimen ang Philippine National Police Provincial Command dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Kasama sa kabuuang bilang na ito ang mga kasong mula sa mga barangay sa iba’t-ibang mga munisipalidad at lungsod ng lalawigan.
Sa ibinigay na datos sa PIA Sorsogon ng Police Provincial Office, lumalabas na physical injury ang pinakamataas na index crime habang sinusundan ito ng mga kaso ng theft, robbery, murder, rape at homicide.
Nasa apatnaraan pitumpu’t-isang bilang naman ang non-index crime na naitatala ng PNP Sorsogon mula Enero hanggang nitong nakaraang buwan ng Agosto ngayong taon na kinabibilangan ng oral defamation, iringan ng magkakapitbahay o yaong mga mgagaang kaso lamang.
Sa kabuuang bilang ng mga krimeng naganap dito, pitumpo ang konsideradong solved cases na ang ibig sabihin ay nasampahan na ng kaso at naaresto ang mga suspek habang nasa isangdaan pitumpu’t-pito naman ang cleared kung saan nasampahan na ng kaso ang suspek subalit nananatiling at large ito at pinaghahanap ng mga awtoridad.
Sa datos pa rin, lumalabas na Sorsogon City ang may pinakamataas na crime volume na sinusundan ng mga bayan ng Irosin, Juban, Castilla at Bulan.
Ayon kay Police Provincial Director PSSupt Heriberto Olitoquit, sa kabila ng mga nailahad na istatistiko, makokonsidera pa ring generally peaceful ang lalawigan ng Sorsogon lalo pa’t karamihan sa mga suspek ay nasampahan na ng kaso habang ang iba naman ay naaresto na rin.
Sa kasalukuyan, patuloy ang panawagan ng pamunuan ng pulisya dito sa publiko na makiisa at suportahan ang kampanya ng PNP laban sa krimen at ireport agad sa mga kinauukulan ang anumang mga paglabag sa batas na nalalaman ng mga ito. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment