Monday, September 6, 2010

KASO NG DENGUE SA SORSOGON UMAKYAT SA 63%

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (September 6)– Higit pang tumaas ang bilang ng kaso ng dengue dito sa Sorsogon sa unang walong buwan ng 2010 kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay Sorsogon Provincial Health Officer Dr. Edgar Garcia, mula unang araw ng Enero hanggang Agosto 7, 2010 ay tumaas ng 63% ang kaso ng dengue dito sa lalawigan.

Sa Sorsogon City lamang ay nakapagtala na ang Provincial Health Office ng apatnapu’t-tatlong kaso, mas mataas ng 24 na bilang kumpara noong 2009.

Sinabi ni Garcia na nakapagtala din ng mataas na bilang ng dengue cases sa bayan ng Pilar kung saan umakyat na sa 30 ang naitakbo sa ospital mula sa pitong kaso noong nakaraang taon sa kahalintulad na panahon.

Kaugnay nito ay agad ding nagpadala ng sulat si Garcia sa mga chief executives ng lahat ng mga Local Government Units dito sa lalawigan na humihiling sa mga ito na aksyunan ang suliraning pangkalusugang ito upang maiwasan ang paglala pa nito.

"Maliban sa nabanggit na dalawang lugar ay apektado na rin ngayon ng dengue ang mga bayan ng Bulan, Castilla, Donsol, Gubat, Irosin, Magallanes, Pto. Diaz, Sta. Magdalena at Bulusan," pahayag pa ni Garcia.

Tanging ang mga bayan ng Casiguran, Barcelona, Juban at Matnog ang hindi nakasama sa mga nabanggit na lugar.

Dahilan dito, patuloy ang paalala ng PHO sa publiko na alisin at linisin ang mga pinagpupugaran ng mga lamok gaya ng estero, alulod ng bahay, plorera, goma at iba pang maaaring pamahayan ng mga lamok.

"Ang Dengue Fever ay nakukuha sa kagat ng lamok partikular na ng Aedes Aegypti Mosquito o yaong mga lamok na may stripe na puti sa katawan," ayon sa opisyal.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na agad na komunsulta sa doktor sa oras na maramdaman nitong nilalagnat at parang tinatrangkaso siya, sapagkat, ito ang pinakasintomas ng dengue at lumalabas lamang ang rushes ng pasyente pagkalipas pa ng tatlong araw.

Sa babala naman ng Department of Health, pinakakritikal na panahon ng dengue patient ang unang apatnapu’t-walong oras matapos na mawala ang lagnat nito, sapagkat ito ang mga panahong bumababa ang platelet count ng pasyente, kung kaya’t dapat pa ring obserbahan ito hanggang sa lubusan nang gumaling. Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment