Thursday, September 9, 2010

PAGPUPULONG NG MGA KASAPI NG ALLIANCE OF GEOTHERMAL ENERGY PRODUCING LGUs GAGANAPIN SA LUNGSOD NG SORSOGON

Tagalog News

SORSOGON PROVINCE (Sept. 9)– Nagsimula nang magsidatingan kahapon dito sa lungsod ng Sorsogon ang ilang mga alkalde at gobernador sa bansa kabilang na ang mga kinatawan nito para sa gaganaping Alliance of Geothermal Energy Producing LGUs (AGEPL) Conference simula ngayong araw, September 9 hanggang bukas, September 10.

Ayon kay City Information Officer Manny Daep, ang Sorsogon City ang tumatayong host para sa AGEPL Conference ngayong taon kung saan si Sorsogon City Mayor Leovic Dioneda ang kasalukuyang tumatayong bise presidente.

Sinabi ni Daep na pag-uusapan sa pulong ang mga mahahalagang isyu ukol sa royalty tax, exemptions sa Value Added Tax, pagpapababa sa singil sa kuryente sa mga host cities and municipalities at iba pang mga isyung may kaugnayan sa geothermal energy production.

Nakatakda ding ilibot ang mga kalahok sa iba’t-ibang mga lugar na kakikitaan ng mga best practices ng lungsod tulad ng Gawad Kalinga village, water treatment facility sa Sorsogon Public Market, Rock Garden at sa mismong geothermal power plant dito na pinatatakbo ng Energy Development Corporation.

Ang Alliance of Geothermal Energy Producing LGUs o AGEPL ay binubuo ng mga host geothermal provinces, cities and municipalities na kinabibilangan ng Ormoc at Kananga sa Leyte, Valencia sa Negros Oriental, Sorsogon City sa Sorsogon, Tiwi at Manito sa Albay at Kidapawan City sa Cotabato.

Nabuo ito noong nakaraang taon kung saan layunin nitong maprotektahan ang common interests ng mga host local government units. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment