Friday, October 15, 2010

KASANGGAYAHAN FESTIVAL 2010 OPISYAL NA MAGSISIMULA SA OCT. 18

Tagalog News Release

SORSOGON PROVINCE (Oct. 15) – Opisyal na magbubukas ang mga aktibidad ng Kasanggayahan Festival 2010 sa darating na Lunes, Oktubte 18 at magtatagal hanggang sa Oktubre a-trenta y uno.

Ang kasanggayahan festival ang official festival ng Sorsogon at nagsisilbing kalipunan ng lahat ng mga festival sa labing-apat na munisipalidad at isang lungsod ng lalawigan na tumatampok sa kasaysayan, kultura at kabuhayan ng mga Sorsoganon.

Ayon kay Kasanggayahan Foundation, Inc. Chairperson Msgr. Francisco P. Monje, sa ilalim ng temang: Continuing Commitment to Sorsogon’s Historical, Cultural and Religious Heritage, makikita at madarama ang patuloy na pagtaguyod sa pagkakaisa ng lokal na gobyerno at ng Kasanggayahan Foundation Incorporated (KFI) na ipakilala hindi lang sa Rehiyon ng Bicol, kundi sa buong Pilipinas, at maging sa buong mundo ang Sorsogon at ang mga katangian nito, lalo na sa larangan ng turismo.

Maaalalang isa na ngayon sa top 5 tourist destinations sa Pilipinas ang Donsol, Sorsogon kung saan dinadayo ito ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang makita ang whale sharks o butanding, ang pinakamalaking isda sa mundo.

Sa pagbubukas ng halos dalawang linggong pagdiriwang ng Kasanggayahan Festival 2010, isang programa ang inihanda sa Capitol Kiosk sa October 18, na sisimulan sa pamamagitan ng banal na misa ng pasasalamat at susundan ng opening program.

Sa umaga, tatampukan ang mga aktibidad ng blessing ng Kasanggayahan Trade Fair and Exhibit sa Capitol Kiosk at groundbreaking ng Balay Kasanggayahan habang sa hapon naman gagawin ang Civic, Historico-Cultural at Float Parade, Street Dance Presentation at Fireworks display naman sa gabi.

Inaasahan din ang pagdalo ni Department of Tourism Regional Director Maria Ravanilla sa okasyon ng pagbubukas ng Kasanggayahan Festival 2010.

Samantala, idineklara namang special local holiday ang October 18 sa bisa ng ipinalabas na Executive Order No. 006 series of 2010 ni Sorsogon Governor Raul R. Lee. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment