Tagalog News Release
SORSOGON PROVINCE (Oct. 15) – Nagbunga ng positibong reaksyon mula sa mga dumalo ang isinagawang consultation meeting noong Martes kaugnay ng iminumungkahing geothermal exploration and development project sa ikalawang distrito ng lalawigan ng Sorsogon.
Naroroon sa pagpupulong si Sorsogon Governor Raul Lee, mga alkalde ng Bulusan, Irosin at Juban, mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, OIC Chief ng DOE Ariel Fronde at si Sta. Magdalena Mayor Alajandro Gamos, dating manager ngTiwi Geothermal Power Plant sa Albay.
Naroroon din ang mga kinatawan ng SKI na kinabilangan nina Environmental Engineer Letecia de la Cruz at ang President at CEO na si Albert Altura.
Ang proposed geothermal exploration and development project dito sa Sorsogon partikular sa Mt. Bulusan area ay proyekto ng Department of Energy (DOE) at Summa Kumagi, Inc. (SKI) Construction Group, isang kompanyang Pilipino na siyang nagawaran ng rehistrasyon bilang geothermal service contractor ng proyekto.
Matatandaang naging matagumpay din ang isinagawang preliminary consultation noong ika-pito ng Hulyo nitong taon dito sa Sorsogon bilang bahagi ng mandato ng DOE na pataasin ang kamalayaan at pagpapahalaga ng publiko sa renewable energy projects.
Sa pagpupulong, tinalakay ang work program at iba pang mga mahahalagang isyu kaugnay ng proposed geothermal exploration and project sa Mt. Bulusan at kinumpirma rin ang patuloy na suporta para sa maayos na operasyon ng proyekto.
Ayon kay Benjamin Monzon, Special Project Manager at Spokesperson ng SKI, matapos ang kanilang consultancy at advocacy campaign ay agad na nilang isusunod ang exploration phase sa Irosin caldera base sa rekomendasyon ng DOE mula sa rekomendasyon din ng Philippine Volcanology and Seismology.
Paliwanag ni Monzon, sa exploration stage ay kukuha sila ng mga sample ng bato, tubig at lupa upang isailalim sa mga pagsusuri, kasama na rin ang pagsasagawa ng obserbasyon at Environmental Impact Assessment bago tuluyang simulan ang proyekto.
Ang steam ay kukunin sa mga barangay ng Bacolod, Tabon-Tabon, Mapaso, Mombon, Gulang-Gulang at Tinampo sa bayan ng Irosin, Brgy. Aroroy at Añog sa Juban at sa San Roque, San Francisco at San Jose sa bayan naman ng Bulusan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment