News Release
SORSOGON PROVINCE (Nov. 19) – Nananatiling nasa alert level 1 at tahimik ang Bulkang Bulusan sa nakalipas na tatlong araw. Patuloy din ang abiso ng Phivolcs sa publiko lalo na sa mga residenteng malapit sa paanan ng bulkan na maging alerto at maingat sa lahat ng oras.
Kahapon, sa isinagawang Preparedness Drill na pinangunahan ng Philippine Army kaugnay ng aktibidad ngayon ng Mt. Bulusan, tiniyak ni Maj. Gen. Ruperto Pabustan, Commanding Officer ng 9th Infantry Division, Philippine Army sa mga Sorsoganon ang kahandaan ng Philippine Army hindi lamang sa pagsusulong ng kapayapaan at pag-unlad ng komunidad kundi maging sa panahong may mga nakaambang panganib sanhi ng natural na mga kalamidad tulad ng pagsabog ng bulkan.
Tatlumpu’t-anim na mga behukulo ng Philippine Army at iba pang mga kagamitang pantugon sa pagliligtas ng buhay ang ipinakita nito na gagamiting pantulong kung kailanganin, sakaling itaas sa alert level 2 ang estado ng bulking Bulusan.
Sinabi din ni Pabustan na ang aktibidad kahapon ay isang patunay na dapat na magtiwala ang publiko sa kapasidad ng pamahalaan pagdating sa Disaster Risk Reduction and Management preparedness nito.
Sinabi naman ni Office of Civil Defense Bicol Head Bernardo Alejandro IV na nakahanda din ang OCD at Regional DRRMC V hindi upang palitan ang mga local disaster frontliners nito, kundi upang sumuporta sa mga kakulangan at iba pang mga pangangailangan ng local na pamahalaan ng Sorsogon.
Ang PDRRMC pa rin diumano ang lead actors habang sila naman aniya ang pupuno sa mga gap o kakulangan ayon sa nakasaad sa contingency plan ng probinsya. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment