Friday, November 19, 2010

TESDA SORSOGON NAGBABALA SA PUBLIKO NA MAGING MAINGAT LABAN SA MGA PATRAINING NG MGA ILEGAL RECRUITERS

Tagalog News Release

SORSOGON CITY (Nov. 19) – Nagbabala si Marilou Macabuhay, Supervising Officer ng Technical Skills and Development Authority Sorsogon sa publiko na maging maingat sa mga imbitasyon ng ilang mga nagpapanggap na kumpanya at nagsasagawa ng mga pagsasanay dahilan sa marami na diumanong nabibiktima ang mga ito hindi lamang sa Metro Manila kundi lalong-lalo na sa mga probinsya.

Ito ay matapos na makarating sa kanilang tanggapan na may ilang mga Sorsoganong napaniwala na at naisailalim sa mga diumano’y pa-training ng ilang nagpapanggap na kumpanya gamit ang tanggapan ng TESDA.

Ipinayo ni Macabuhay sa publiko partikular sa mga magulang na mangyaring alamin muna nila ng maigi kung talagang lihitimo ang isinasagawang pagsasanay ng ilang mga pinapangalanang kumpanya lalo pa’t mga menor de edad ang kadalasang nire-recruit ng mga ito.

Aniya, bago sila magdesisyong lumahok sa kaaya-aya sa pandinig na mga mga imbitasyon, lalo kapag mataas diumano ang pinapasahod ay ipagbigay-alam ito sa mga kinauukulan at magtanong sa mga sinasabing kumpanya upang malaman kung talagang legal ang kanilang isinasagawang pa-training at job hiring.

Matatandaang noong Biyernes, Nobyembre 12, ay dalawang kabataan ang nag-usisa at nagpaabot ng impormasyon sa pamamagitan ng radio kung saan nakatakda anila silang dalhin ngayong lingo ng mga recruiters sa Maynila upang magsimulang magtrabaho doon na nang maberipika ay wala palang katotohanan.

Sa kasalukuyan ay iniimbestigasyon ng ng mga awtoridad ang pangyayari at inaasahang sa lalong madaling panahon ay mahuhulog din sa kamay nila ang mga gumagawa ng modus operanding tulad nito.  (Bennie Recebido/Jun Tumalad, PIA Sorsogon)




No comments:

Post a Comment