Wednesday, January 26, 2011

Ilegal quarrying makakapinsala sa Cawayan Bridge


Tagalog News

Sorsogon City, January 25 – Kapag hindi pa natigil ang illegal quarrying sa ilalim at palibot ng Cawayan Bridge, tiyak na magiging dahilan ito ng pagbagsak nito at magpaparalisa sa land transportasyon patungong Visayas at Mindanao.

Ito ang obserbasyon ng nakakararaming mga Sorsoganong nakakaalam sa walang tigil na quarrying sa ilalim na bahagi ng tulay.

Una na rito ay naging laman na rin ng privelege speech ni Sangguniang Panlalawigan member Benito Doma ang agarang pagpapatupad ng mga kaukulang ordinansa na poprotekta sa paligid ng Cawayn Bridge.

Ang Cawayan Bridge ang nagdudugtong sa Brgy. Guinlajon at Basud sa kanlurang distrito ng lungsod ng Sorsogon. Ito rin ang tinatayang pinakamatanda at pinakamahabang tulay sa lalawigan ng Sorsogon. Dito rin dumaraan ang lahat ng uri ng sasakyang panlupa, pribado man o pampubliko na patungong Visayas at Mindanao.

Ayon kay Department of Public Works and Highways Sorsogon 1st District Engineer Romeo Doloiras, ang posibilidad ng pagbagsak ay laging mangyayari, lalo pa aniya’t hindi lamang illegal quarrying ang kalaban kundi maging ang patuloy at lakas na buhos ng ulan na nakababawas sa tibay ng tulay. Nilinaw din ni Doloiras na wala sa kanilang hurisdiksyon ang magpatigil o manghuli ng mga sangkot sa ilegal quarrying.

Kakulangan naman sa mga tauhan ang itinuturong suliranin ni Provincial Environment and Natural officer Maribeth Fruto kung kaya’t hindi regular na nababantayan at namomonitor ang mga lugar na tulad ng Cawayan Bridge. Sa katunayan, nanghiram na diumano si Fruto ng tauhan mula sa ibang departamento ng provincial government upang mamonitor ang lugar.

Naniniwala naman si Basud Brgy. Captain Leonida Dionela na alternatibong pangkabuhayan ang para sa pamilyang sangkot sa quarrying ang dapat na ibigay nang sa gayon ay tuluyan nang iwanan ng mga ito ang illegal na hanapbuhay na kanilang ginagawa.


No comments:

Post a Comment