Tagalog News
Sorsogon City, January 25 – Dumating dito sa lalawigan ng Sorsogon noong Huwebes ang ilang kinatawan ng World Food Program ng United Nations upang talakayin kay Sorsogon Provincial Management Office (SPMO) Executive Director Sally A. Lee ang tulong na nais nilang ipaabot sa mga lugar ditto na apektado ng mga nagaganap na kalamidad.
Sa pahayag ni Lee sa kanyang Sa Kapitolyo week-end report, kasunod ng kahilingang tulong na ipinaabot sa World Food program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay agad itong nakipagkita sa kanya upang alamin at pag-aralan ang naging resulta ng matinding pag-uulan nitong mga nakaraang lingo para sa kanilang gagawing hakbang.
Ayon kay Lee, kasalukuyang nakatuon ang programa ng WFP sa kalagayan at hanapbuhay ng mga pamilyang apektado ng kalamidad lalo na ang mga magsasaka at mangingisda. Nakahanda din diumano itong magbigay ng kaukulang tulong lalo na ang pagkain para sa mga apektado.
Batay na rin sa ibinigay na rekomendasyon ng DSWD, partikular nilang pagtutunan ng kaukulang tulong ang mga bayan ng Juban at Magallanes.
Isa ang Juban sa dalawang bayan dito sa lalawigan ng Sorsogon na sa ngayon ay nasa ilalim ng state of calamity dala ng baha at madalas na pag-agos ng lahar sa mga ilog dito simula pa nang mag-alburuto ang Bulkang Bulusan noong nakaraang taon. Habang highly-vulnerable area naman ang Magallanes dahilan sa madalas na pagkakaroon ng landslide dito.
Ayon kay Lee, malugod na tatanggapin ng provincial governemnt ang anumang tulong na magmumula sa WFP, bagama’t ayaw naman aniya ng lokal na pamahalaan na malabisin ang pagiging “good samaritan” ng mga nagnanais na tumulong, kung kaya’t pinagsisikapan din ng lalawigan na matutong tumayo sa sariling mga paa at turuan din ng ganitong uri ng prinsipyo ang mga mamamayan nang sa gayon ay sila maituturing na kawawa sa tuwing mayroong nagaganap na mga kalamidad.
Pinuri naman ng WFP ang lalawigan sa kahandaan at katatagan nito sa harap ng mga pagsubok na dulot ng mga pagbabago ng panahon.
Ang WFP ang siyang sangay na food aid program ng United Nations at ang pinakamalaking humanitarian organization na nakatuon sa mga bansang nakararanas ng pagkagutom at malnutrsiyon bunsod ng mga iba’t-ibang uri ng emerhensya na nagaganap sa alin mang sulok ng mundo. VLabalan/PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment