Monday, January 17, 2011

MGA LUGAR NA HIGH-RISK SA LANDSLIDE AT FLOODING MAHIGPIT PA RING BINABANTAYAN NG PDRRMC


SORSOGON PROVINCE – Patuloy pa ring binabantayan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council ang ilang mga lugar sa Sorsogon na sa tuwina ay naaapektuhan ng mga landslides at pagtaas ng tubig sa panahong may malalakas na pag-uulan at bagyo.

Matatandaang una nang sinabi ng Mines and Geosciences Bicol na pitong mga lugar sa Sorsogon ang high-risk sa landslides na kinabibilangan ng mga bayan ng Bulan, Irosin, Juban, Magallanes, Matnog at Sta. Magdalena at ang Sorsogon City. Ang mga lugar na ito ay dati nang may mga kwento ng pagguho ng lupa kung saan pinakamatanding pinsalang naitala ng landslide ay sa bayan ng Magallanes noong 2009 sa kasagsagan ng bagyong Dante.

Sa naging pag-uulan nitong mga nakaraang araw, ilang mga minor landslides ang naitala din sa Magallanes at Bacon District dito sa lungsod ng Sorsogon.

Apektado naman ng mga pagtaas ng tubig hindi lamang ang mga low-lying at coastal areas kundi maging ang ilang bahagi din ng bisinidad ng Sorsogon City at mga munisipalidad tulad ng Juban, Bulan, Casiguran, Gubat, Pto. Diaz, Barcelona, Castilla, Pilar at Donsol.

Partikular ding sinusubaybayan ang mga lugar malapit sa Bulkang Bulusan dahilan sa posibilidad ng pagragasa ng lahar at pag-apaw naman ng malalaking ilog at ilan pang mga water tributaries tulad ng Cadac-an River, Banuan-Daan, Fabrica at Matnog Rivers.

Hanggang sa kasalukuyan ay nanananatiling alertado pa rin ang mga Barangay Disaster Risk Reduction Management Council sa lahat ng mga munisipalidad at lungsod dito at nakaantabay naman upang sumaklolo sa anumang pangangailangan ng mga ito ang Municipal, City at Provincial DRRMC.

Tiniyak naman ng mga action officers dito na mas informed na ang mga residente ngayon pagdating sa disaster preparedness and management at sila na mismo ang kusang lumilikas bago pa man dumating ang mga abiso ng awtoridad.

No comments:

Post a Comment