Tuesday, February 8, 2011

Lason ng red tide sa Sorsogon Bay mataas pa rin; suplay ng white mice kinukulang

Tagalog News Release
Sorsogon City, (PIA) – Pinag-iingat pa rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga residente sa pagkain ng shellfish mula sa Sorsogon Bay dahilan sa pagiging positibo pa rin nito sa red tide toxin.

Ayon kay BFAR Sorsogon Fisheries Chief Gil Ramos, sa isinagawa nilang water at meat samples sa labing-apat na samplings sa Sorsogon Bay, lumalabas na lahat ay positibo pa rin sa pyrodinium bahamense o harmful algal bloom.

Sa huli nilang tala, nasa 200 microgram per kilogram of shellfish meat ang taas ng lason sa sampling activity na ginawa nila.

Maliban sa tahong, araw-araw ding nagpapadala ng sample ang mga magbabadoy sa Sorsogon upang isailalim ito sa sampling analysis bago nila ito ibenta sa mga pamilihan.

Samantala, sinabi ni Ramos na nagkukulang sila ng suplay ng mga puting daga o white mice na ginagamit nila sa laboratory analysis. Ipinaliwanang niyang sa isang laboratory service mahigit sa dalawampu’t-pitong white mice ang kailangan at double testing din ang ginagawa nila upang matiyak ang resulta kung kaya’y nagkukulang sila sa mga white mice.

Sa bawat laboratory testing, tatlong daan hanggang isanglibo din ang laboratory fee subalit sa BFAR Sorsogon ay inililibre na ito bilang social service na rin nila.

Ipinaliwanag din ni Ramos na hindi basta-basta ang pag-aalaga ng mga white mice. Dapat aniya’y mayroong konkretong kulungan, aircon ang lugar, inilalagay sila sa banig at distilled water ang ipinaiinom dito. May kaukulang timbang din na dapat abutin bago ito magamit sa sampling na kung tawagin ay mouse bioassay.

Kaugnay nito, inirekomenda nila ang pagti-training ng mga technician para mag-alaga ng white mice at bigyang kapangyarihan na rin ang Fisheries division ng Department of Agriculture na mag-alaga ng mga white mice. Sa ngayon kasi ay tanging ang Bureau of Food and Drug Administration lamang ang awtorisadong mamahagi nito.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Ramos sa suportang ibinibigay ng mga lokal na pamahalaan dito lalo na ang Sorsogon City kung saan nasa dalawang milyong piso din ang ibinigay na tulong nito sa kanila upang mamantini ang kanilang mice pen. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment