Thursday, February 10, 2011

Marine mammal stranding response protocol ipapalabas ng Sorsogon

Tagalog News Release

Sorsogon City, (PIA) – Matapos na mahuli ang isang Dolphin sa karagatan ng Matnog nitong nakaraang linggo, magpapalabas ng protocol ang lalawigan ng Sorsogon ukol sa tamang paghawak ng mga nahuhuling hayop partikular yaong mga endangered species.

Ayon ka provincial veterinarian Dr. Enrique Espiritu, sa nagiging pagbabago ng panahon ngayon nararapat lamang na alam ng publiko lalo na ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang mga dapat gawin sa paghawak at pagbibigay ng mga pangunang-lunas ng mga nahuhuli o naiistranded na mga hayop tulad ng dolphin, pating, pawikan at maging mga ibon na kadalasang nahuhuli dito sa Sorsogon.

Ang Sorsogon ay napapaligiran ng malalaking katubigan tulad ng China Sea at Pacific Ocean, maliban pa sa magandang klima ng lalawigan kung kaya’t malimit na nadadako dito ang mga endangered species na tulad ng mga ito.

Sinabi ni Espiritu na dapat ding sumailalim sa marine mammal stranding emergency response training ang mga lokal na opisyal, municipal agricultural officers at ang mga tauhan ng provincial agriculture’s office lalo na ang nasa fishery sector.

Ayon sa kanya, sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng kamalayan ang mga kinauukulan pagdating sa tamang protocol at tamang kaalaman ukol sa kanilang papel na ginagampanan bilang mga awtoridad nang sa gayon ay matiyak na napapangalagaan ang marine biodiversity at naisasalba ang mga likas na yaman ng Sorsogon.

Si Espiritu ay una nang sumailalim sa ganitong pagsasanay noong October 2010 lalo na sa stranded marine mammal medical emergency response kung saan bahagi na siya ngayon ng Philippine Marine Mammal Stranding Network na siyang nagbibigay ng agarang tugon sa ganitong mga pangangailangan. (Bennie A. Recebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment