Tagalog News Release
Sorsogon City, (PIA) – Magandang balita ang hatid sa Sorsogon ng balak na pagpapalawak ni Pangulong Noynoy Aquino ng organic farming sa bansa lalo na’t itinataguyod din ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang organic farming.
Ito ang naging pahayag ni Patricia Guevarra, executive director ng Paaralang sa Masa o ang Sorsogon Mobile Agricultural School na itinatag noong pang 2004. Aniya, nakatuon noon ang kanilang kampanya sa edukasyon sa ilalim ng slogang “Dagdag Adal, Dagdag Hanapbuhay”, kung saan bumibisita sila sa mga malalayong barangay.
Naging kaagapay nila diumano sa programang ito ang TESDA at Sorsogon State College kung saan nagkaroon sila ng mga recipients na nakapag-aral ng computer literacy, marine course, food technology at iba pa.
Nang maupo bilang gobernador si Sally Lee ay natuon ang programa sa organic agriculture at naitatag ang Go Organic Agricultural Movement of Sorsogon (GOAMS) sa tulong ng Korea International Cooperation Agency (KOICA) kung saan nakapaglaan ito ng $25,000 para sa fertilizer machineries at sa pagpapatayo ng proposed organic fertilizer production facility sa lupang binili ng lokal na pamahalaan sa barangay Abuyog, Sorsogon City.
Sa ilalim ng GOAMS ay tinuturuan ang mga magsasaka na gumawa ng kanilang sariling organic fertilizer na nakatutulong sa pagtataguyod ng organic farming, kasabay ang oportunidad na sila’y kumita ng mas malaki hindi lang dahil sa kanilang produkto kungdi maging sa ginawa nilang organic fertilizer.
Maliban sa barangay Abuyog, ang organic farming program sa ngayon ay mayroon na ring demo farms sa mga barangay ng Roro, Baribag at Barayong. Mayroon na rin itong humigit kumulang sa tatlumpong mga farmer cooperators kung saan sa pamamagitan ng organic fertilizer na inilalaan sa kanila ay sinusubukan ang organikong paraan ng pagsasaka.
Ayon kay Guevarra, volume wise ay mas higit na marami ang produkto sa ganitong paraan ng pagsasaka at kung kalidad ang pag-uusapan ay mas nakakalamang din ito. Napatunayan na rin aniya sa mga pagsasaliksik na ang nutrient content ng mga produktong organiko ay mas mataas at kumpleto.
Ayon pa sa kanya, punong-puno ng pag-asa ang organic farming sa lalawigan, hindi lamang dahil buo ang suporta rito ng kasalukuyang gobernador Raul R. Lee,kundi lalo pa’t nais ng Pangulong Aquino na palawakin pa ito dahil sa tumataas na demand ng mga organic products.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na alinsunod na rin sa Organic Agriculture Act of 2010 na inakda mismo ni Agriculture Sec. Proceso Alcala, dapat na alalayan ng Department of Agriculture ang pagpapalaki ng produksyon at pag-export ng mga organic products lalo na ang organic rice.
Ayon sa Pangulo, kailangang itaguyod ang international organic standards at inspections systems upang ma-engganyo din ang international market na tangkilikin ang produktong Pinoy. (Von Labalan-PIO/BAR)
No comments:
Post a Comment