Provincial GAD naghahanda na para sa women’s month celebration
By: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, (PIA) – Tuloy-tuloy na ang ginagawang paghahanda ng Provincial Gender Advocacy and Development (PGAD) Council para sa nalalapit na selebrasyon ng Women’s Month ngayong darating na buwan ng Marso.
Sa inisyal na pagpupulong na ginawa ng konseho, inilahad na ang mga mungkahing aktibidad na tatampok sa papel ng mga kababaihan bilang tagapagtaguyod ng pag-unlad ng lokal na komunidad.
Ayon kay Board Member Rebecca Aquino, chair of the Committee on Women and Family Relations, tututok ang pagdiriwang ngayong taon sa iba’t-ibang mga mukha ng kababaihan na ipapakita sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga patimpalak na bubuksan sa lahat at ang criteria ay ipahahayag s pamamagtan ng Philippine Information Agency Sorsogon Information Center.
Isa din sa magiging proyekto ng PGADC ay ang Coffee Table Book na tatampok sa tinatawag na “Empowered Women of Sorsogon” na ilulunsad naman sa susunod na taon. Ipapakita dito ang mga empowered women sa lalawigan na hindi matatawaran ang kakayahan at naging kontribusyon sa kani-kanilang mga komunidad, dito o sa labas man ng lalawigan.
Ilan sa mga aktibidad ay ang photo contest, PGAD logo-making, poster making at extemporaneous speaking competition. Kasama din sa patimpalak ang handicraft at Kakanin making contests na magpapakita ng galling at abilidad ng mga kababaihan ng bawat munisipalidad.
Mabibigyan din ng pagkakataon ang mga kababaihan sa isang forum na mailahad ang kanilang opinyon ukol sa ilang mga isyu partikular sa iminumungkahing pagrebisa ng Juvenile Law, pangangalaga sa kalikasan at ang muling paglulunsad ng Character program na inumpisahan ni former Governor Sally Lee.
Isasara ang pagdiriwang ngayong taon sa pamamagitan ng isang Fun Run na sasalihan ng mga kababaihan mula sa iba’t-ibang mga bayan at selebrasyon sa gabi na tataguriang “A Night for the Empowered Women of Sorsogon” at dito ay pararangalan ang mga mahahalagang ambag ng kababaihan sa larangan ng pulitika, negosyo, akademya, media at iba pa. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment