Friday, February 25, 2011

Tagalog News

Alert Level ng Bulkang Bulusan, di pa kailangang itaas ayon sa Phivolcs
Ni: Bennie A. Recebido
         
Sorsogon City, February 25, (PIA) – Inihayag ng Phivolcs na hindi pa napapanahong itaas sa alert level 2 ang alarma ng Bulkang Bulusan sa kabila ng mas matinding pag-alburuto nito noong nakaraang Lunes.

Sa ipinalabas na press release ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office, wala pa umanong nasisilip ang Phivolcs na anumang palatandaan na maaaring maging dahilan upang itaas ang alert level sa paligid ng bulkan.

Gayunpaman ay patuloy ang paalala nito sa publiko na maging handa sa lahat ng oras lalo pa’t mahigit pitong-daang libong metro kubiko ang ibinugang abo ng Mt. Bulusan nitong nakaraang pag-alburuto nito, higit na marami kumpara sa mga nakalipas na aktibidad nito.

Kahapon at kagabi ay nagkaroon ng mga pag-uulan ngunit hindi gaanong sapat upang maalarma ang mga residente, subalit, patuloy pa ring pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga residenteng malapit sa paligid ng bulkan lalo yaong malapit sa mga ilog at daluyan ng lahar sakaling umulan ng malakas. Sa ngayon ay maaliwalas ang panahon sa Sorsogon at walang palatandaang uulan.

Sa nakalipas na dalawampu’t apat na oras, dalawang volcanic quakes lamang ang naitala ng Phivolcs at simula nang magbuga ito ng abo noong Lunes ay nananatiling natatabunan ng makapal na ulap ang bunganga ng Mt. Bulusan.

Samantala, kinatigan ng Office of the Civil Defense Bicol (OCD 5) ang paglilinaw ng Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO) kaugnay sa dahilan ng pagkamatay ng batang si Michael Celso ng Zone 5, Bulan, Sorsogon.

Ayon kay OCD Bicol Regional Director Raffy Alejandro, matagal na aniyang iniinda ng bata ang kanyang sakit at nagkataon lamang na namatay ito sa kasagsagan ng pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan kung kaya’t hindi ito maiuugnay sa naganap na huling aktibidad nito.

Ayon sa PDRMO at OCD, nananatiling zero casualty pa rin ang Sorsogon kasunod ng February 21 Mt. Bulusan ash explosion. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment