Thursday, March 24, 2011

Intensified educational campaign ng pamahalaan ukol sa drug trafficking tampok sa PIA Press conference

 Tagalog News

Sorsogon City, March 24 (PIA) – Isang emergency press conference ang pinangunahan kahapon ng Philippine Information Agency (PIA) bilang bahagi ng drug trafficking awareness campaign ng lahat ng PIA regional at provincial offices sa bansa sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Drug Enforecement Agency (PDEA).

Ito ay kaugnay na rin ng kalagayan ng mga Pilipino sa abroad na nasasangkot sa ilegal na droga partikular na ang tatlong Pilipinong nakatakdang bitayin sa China dahilan sa kaso ng illegal drugs.

Labingsiyam ang lumahok sa pressconference kung saan ipinanawagan dito ng PIA ang commitment ng mga kalahok lalo na ng tri-media, sa pagpapaigting pa ng kamalayan ng publiko partikular sa mga nais lumabas ng bansa ukol sa tamang protocol, pagbibigay-tiwala at pag-aaral at pagsunod sa mga batas ng bansang patutunguhan. 


Naging panauhin sa press conference si provincial head Imelda Romanillos ng Department of Labor Sorsogon Field Office at si PO2 Salvador Joseph Galido ng Sorsogon Police Provincial Office Investigation Section kung saan tinalakay din ng mga ito ang iba’t-ibang mga modus operandi ng mga sindikato ng droga na naengkwentro na ng kanilang tanggapan.

Subalit nilinaw ng mga ito na sa lalawigan ng Sorsogon ay wala pa silang naitatalang mga Sorsoganon overseas workers o turista na nasangkot sa drug trafficking.

Nanawagan din ang DOLE at PNP sa mga media na suportahan ang kanilang kampanya laban sa kriminalidad.

Inihayag naman ni PIA Information Center Manager Irma Guhit na nagawa na ng pamahalaan ang lahat ng posibleng hakbang upang mailigtas ang buhay ng mga mga bibitaying Pilipino sa China subalit dapat pa rin aniyang maintindihan ng publiko na nirerespeto ng Pilipinas ang batas ng China.

Tiniyak din niya na patuloy ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs sa pagsubaybay at pagrebisa sa mga drug-related cases at iba pang mga kasong kinasasangkutan ng mga Pilipino sa labas ng bansa upang protektahan ang kanilang mga karapatan at matiyak ang makataong pagtrato sa mga ito. (Bennie A. Recebido, PIA)


No comments:

Post a Comment