Thursday, March 24, 2011

“Kapihan sa PIA” naging daan sa paglabas ng saloobin ng kababaihang media sa Sorsogon

Tagalog News Release

Sorsogon City, March 24 (PIA) –Malayang nailabas ng mga kababaihang kasapi ng tri-media dito sa Sorsogon ang kanilang mga saloobin sa isinagawang “Kapihan” ng Philippine Information Agency Sorsogon Information Center noong nakaraang Lunes.

Sa pangunguna ni PIA information Center Manager Irma Guhit, unang ibinahagi ng mga kababihan ang kanilang obserbasyon ukol sa kalagayan ng mga kababaihan dito at ang kaugnayan nito sa kalagayan din ng lalawigan ng Sorsogon.

Kabilang sa mga obserbasyon ay ang pagiging matriarchal ng mga kababaihan sa Sorsogon kung kaya’t sinabi nilang nagiging konserbatibo din ang lalawigan subali’t anila’y madiskarte ang mga Sorsoguena.

May hidden wealth din anila ang Sorsogon dangan nga lamang at hindi risk takers ang mga Sorsoganon kung kaya’t nagiging mabagal ang pagsulong nito at dahil din sa pagiging sagana ng lalawigan sa likas na yaman kung kaya’t karamihan ay nakadepende na lamang dito at hindi nakikita ang potensyal ng mga raw materials na ito.

Ang pagkalat din ng mga beerhouses particular sa lungsod ay isang indikasyong mahilig sa kasiyahan ang mga taga-Sorsogon.

Isa rin ang nagsabing very empowered ang mga babaeng Sorsoganon hindi nga lang alam kung papaano kokontrolin ang kanilang empowerment.

Naging mainit din ang talakayan ukol sa isyu ng Reproductive Health Bill at hati din ang kanilang mga posisyon ukol dito, subalit matapos ang diskusyon ay nagkaisa din ang mga ito na malaki ang papel na ginagampanan ng media ukol sa pagpapalaganap ng tamang kaalaman lalo na sa masa kung saan kadalasang sila ang mas may maraming mga anak na napapabayaan.

Ilan pa sa mga isyung tinalakay ay kung paano mapapataas ang imahen ng media sa Sorsogon at ilang mga hakbang na dapat gawin upang mapataas din ang antas ng pamumuhay ng media practitioners dito.

Namahagi din ang PIA ng IEC material ukol sa Magna Carta of Women.

Ang Kapihan ay isinagawa bilang bahagi na rin ng women’s month celebration ngayong buwan ng marso. (Bennie A. Recebido, PIA)





No comments:

Post a Comment