Tuesday, March 29, 2011

Tapat na pangako sa Earth Hour, hiling ni Sorsogon Governor sa mga Sorsoganon

Tagalog News Release

Sorsogon City, March 25 (PIA) – Bilang pagpapakita ng tapat na pangako sa isang pangkalahatang kasagutan sa kasalukuyang suliranin sa kapaligiran, hiniling ni Sorsogon Governor Raul R. Lee sa lahat ng mga Sorsoganon ang kusang-loob na pagpatay ng mga ilaw magmula 7:30 hanggang 8:30 ng gabi sa Sabado, Marso 26 o di kaya’y higit pa sa itinalagang oras.

Ayon kay Governor Lee, ang Earth Hour 2010 ang pinakadakilang environmental action sa kasaysayan kung saan mahigit isangdaang bansa ang lumalahok dito. Napapanahon aniya para sa lahat ang pagpatay ng mga ilaw ng isang oras sa isang sama-samang pagpapakita ng tapat na pangako upang pangalagaan ang ating mundo.

Una na riito ay nagpalabas ng isang commitment form ang gobernador ng Sorsogon para sa lagda ng mga makikibahagi sa Earth Hour 2011 kung saan isusulat dito ang pag-sangayon ng kalahok, address at barangay, pirma, bilang at average wattage ng mga papataying ilaw.

Samantala, hinikayat naman ni Bulan Mayor Helen De Castro ang mga taga-Bulan na makilahok sa gagawing Earth Hour bukas. Sinabi ng alkalde na makikisa ang Bulan sa krusada ng pamahalaan na mabawasan ang hindi makabuluhang paggamit ng kuryente na nakakadagdag sa suliranin sa global warming.

Ayon pa sa alkalde, nagsagawa din sila ng massive information drive sa mga barangay ukol sa gaganaping earth hour upang makakuha ng buong suporta mula dito. Magkakaroon din aniya ng countdown sa Sabado bago ang pagpatay ng ilaw sa harapan ng Bulan Old Municipal Building.

Matatandaang noong nakaraang taon, 97% ng mga taga-Bulan ang lumahok sa isinagawang Earth Hour activity.

Ang Earth Hour na may tema ngayong taon na “The Earth Hour, Go Beyond The Hour” ay may layuning paigtingin ang kamalayan ukol sa nararapat na mga hakbangin laban sa epekto ng climate change.

Ang Earth Hour ay isang international movement na sinimulan sa Sydney, Australia noong nakaraang 2007, at nasa ika-apat na taon na ng paghikayat sa mga indibiduwal, sambahayan at mga nasa business sector sa sa buong mundo na patayin ang mga hindi kinakailangang ilaw at de-kuryenteng kagamitan sa loob ng isang oras. (BARecebido/VLabalan-PIA)

No comments:

Post a Comment