By: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, March 8, (PIA) – Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan, isang Women’s Day Forum ang ginagawa ngayon dito sa lungsod ng Sorsogon.
Tampok sa Women’s Forum ang mga usapin o isyung may kaugnayan sa kaso ng mga kabataang naliligaw ng landas, at ang pagbuhay muli ng Character program na una nang sinimulan noon ni dating Gobernador Sally Lee.
Sa pamamagitan din ng Forum na ito ay mailalabas ang mga saloobin ng mga kababaihan ukol sa mga isyung may kaugnayan sa mga kanila, hindi lamang ukol sa pang-aabuso sa kanila at papel na ginagampanan nila sa paghubog sa mga kabataan kundi maging ang mga naabot na tagumpay ng mga kababaihan dito sa lalawigan ng Sorsogon.
Kabilang sa mga kalahok ay mga student leaders, mambabatas, guro at mga pari. Dito ay talakayin ang mga realidad na makakatulong sa pagbuo ng pahayag ukol sa pagrerebisa ng Juvenile Law lalo pa’t may mga nakikitang probisyong dapat na maamyendahan.
Ayon kay Sangguniang Panlalawigan Committee Chair on Women and Family Relations board member Rebecca Aquino, naniniwala ang konseho ng Provincial Gender Advocacy and Development (PGAD) na ang pagpapaigting pa ng kaugalian ng mga kabataan sa pamamagitan ng character program na kadalasang naiitang sa balikat ng mga kababaihan ang isa sa mga susi upang makabuo ng positibong pagbabago sa hanay ng bagong henerasyon.
Maliban sa mga usaping ito ay tatalakayin din sa forum ang pangangalaga sa kalikasan. Sa halip aniya na lecture type ang presentasyon, ilalahad ang mga usapin sa pamamagitan ng mga situational cases at statistical data presentation ng isyung may kaugnayan sa mga kababaihan at kabataan.
Ang mga tagapagsalita ay mula sa hanay ng Philippine National Police, Social Welfare and Development Office at Public Prosecutor’s Office.
Katuwang din ang Visayan Forum, Child Fund at FACE sa pagsasalatuparan ng aktibidad na ito. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment