Friday, April 15, 2011

12% E-VAT sa mga surcharges ng SORECO II inalis na


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 14 (PIA) – Malaking tulong sa mga kunsumidor ng Sorsogon II Electric Cooperative ang pagkakaalis ng Expanded Value Added Tax (EVAT) sa system loss, distribution charge, supply charge, metering charge at lifeline charge sa kanilang mga electric bills.

Ayon sa pamunuan ng Soreco II, nagresulta ito sa pagbaba ng mga bayarin sa electrical consumption ng mga kunsumidor simula noong Jabuary 2011 billing period.

Sa buong rehiyon ng Bikol, tanging ang Soreco II lamang ang electric cooperative na binigyan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue ng tax exemption certificate.

Alinsunod sa RA 9520 o ang Philippine Cooperative Code of 2008, ang mga electric cooperative na rehistrado sa Cooperative Development Authority (CDA) ay exempted sa mga buwis na nakasaad sa nasabing Republic Act.

Sinabi ni Soreco II Member Services Department head Marie Escobedo na ang tax exemption ay nakuha ng Soreco II dahilan sa matagumpay na pagpupursige ng Association of Philippine Electric Cooperative (APEC), ang partylist ng mga electric cooperatives na rehistrado sa CDA, at ng mga opisyal ng CDA-registered cooperatives tulad ng Soreco II na maipasa sa kongreso ang tax exemption na nagresulta sa pagkakaalis ng EVAT sa nabanggit na mga surcharges.

Sa isangdaan labingsiyam na electric cooperatives sa bansa, labing-apat lamang ang naka-avail ng tax exemption.

Inihayag din ng pamunuan ng Soreco II na simula 2011 ay hindi na tatawaging member-consumer ang mga kunsumidor ng Soreco II kundi member-consumer-owners (MCO). (PIA Sorsogon)





No comments:

Post a Comment