Thursday, April 14, 2011

Dolphin naistranded sa bayan ng Gubat

Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 14 (PIA) – Isang babaeng dolphin na kabilang sa ‘blackfish’ specie o mas kilala sa tawag na False Killer Whale at may scientific name na Pseudorca crassidens ang nahuli ng mga mangingisda noong Martes, April 12, sa mabakawang bahagi ng barangay Bagacay sa bayan ng Gubat, Sorsogon.

Ayon sa ulat na nakarating sa Provincial Veterinary Office, isang grupo ng mga mangingisda ang nakakita sa dolphin bandang alas dos ng hapon sa lugar kaya’t agad nila diumano itong iniligtas upang maibalik sa dagat subalit nahirapan silang pasunurin ito kung kaya’t agad na nilang iniulat ito sa Municipal Agriculturist ng Gubat at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Agad din namang humingi ng tulong ang BFAR kay provincial veterinarian Dr. Enrique Espiritu upang masuri ang dolphin subalit namatay na ito isang oras bago pa man dumating ang Provincial Marine Mammal Stranding Response Team.

Sinuri pa rin ang dolphin at kinuhanan ng tissue samples upang matiyak ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. Matapos kuhanan ng sample ay sinunog at inilibing na agad ang katawan nito.

Ayon kay Dr. Espiritu ang ganoong uri ng false killer whale ay bibihira lamang makita sa Pilipinas.

Muli namang nanawagan sa publiko si Dr. Espiritu na sundin ang tamang protocol at batas ukol sa pangangalaga at paghawak sa mga stranded marine mammals. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment