Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, April 29 (PIA) – Seryoso ngayon ang lokal na opisyal ng Brgy. Bantayan sa Pilar, Sorsogon sa pangunguna ni Brgy. Capt Salvador Aparicio kaugnay ng napaulat na nangyaring pagkatay ng mga dolphin sa kanilang lugar noong Martes.
Ayon kay punong-barangay Aparicio, bagama’t nadismaya sila sa pangyayari kung saan naglagay ito sa negatibong imahe ng kanilang barangay at ng buong bayan ng Pilar, ipinaliwanang nitong karamihan sa mga residente ay hindi alam na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagkatay sa naturang lamang-dagat at kulang din ang kaalaman na itinuturing itong nanganganib nang uri.
Kaugnay nito, balak niya umanong magpatawag ng barangay assembly at imbitahan ang mga kinatawan ng Provincial Agriculture Office patikular ang fisheries division at ang Municipal Agriculture Office upang magpaliwanag tungkol sa mga batas na sumasaklaw dito at pangangailangang proteksyon ng ganoong klaseng mga isda at endangered marine mammals upang maiwasan ang muling pagkakaulit ng pangyayari noong Martes.
Ayon sa 50 taon gulang na kapitan, labin-limang taon na siyang opisyal ng Brgy. Bantayan at aniya’y sa mga taon ng kanyang paninilbihan ay wala siyang nababalitaang may kinatay na dolphin sa kanilang lugar maliban sa naganap noong Martes kung saan aniya’y isolated case lamang ito.
Ayon pa kay Aparicio, tototong gumilid ang mga dolphin at posibleng natukso lamang diumano ang ilang mga residente na katayin ito sa gitna ng gipit na sitwasyon ng ilang residente.
Aniya, makabubuting mabigyan ng sapat na kaalaman ang kanyang mga nasasakupan upang maiwasan ang anumang mga paglabag sa batas at isa na ang pagkakaroon ng brgy. assembly sa nakikita niyang solusyon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment