Ni: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 28 (PIA) – Sa pakikipagtulungan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Philippine Information Agency, muli nitong paiigtingin ang kanilang kampanya ukol sa organ donation program sa gagawing Lay Forum sa darating na ika-6 ng Mayo ngayong taon.
Sa impormasyong ipinaabot ng NKTI partikular ang Human Organ preservation Effort (HOPE) sa PIA, hangad ng kanilang outreach program na mabuksan ang isipan ng publiko ukol sa kahalagahan ng organ donation nang sa gayon ay madugtungan pa ang buhay ng mga taong nangangailangn nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang bahagi ng katawan ng mga kamamatay pa lamang o wala nang pag-asa pang mabuhay nilang mga kamag-anak o ang mas kilala sa tawag na brain dead o cadaver donor.
Umaabot sa dalawampu’t-limang organ at tissue ang maaaring i-donate ng isang tao para sa transplantation at pinaka-common na dito ay ang kidney o bato. Maaari ding i-donate ang puso, atay, baga, pancreas, buto at cartilage, bone marrow, cornea, balat at marami pang iba. Bawat isang donor ay tatlong tao pa ang may potensyal na mabuhay.
Subalit kinukundena naman ng NKTI-HOPE ang bentahan ng alinmang bahagi ng katawan ng tao o ang black market trade for human organs sapagkat unethical medical practice ito at labag din sa batas. Dapat lamang anilang mabuksan ng tama ang isipan ng mga Pilipino upang matigil sa ganitong maling gawain.
Bagama’t mga relative at cadaver donors ang pangunahing tinatanggap ng NKTI-HOPE, tumatanggap din diumano ito ng non-related donors basta’t kusang ibinibigay.
Dapat na motivated ang donor ng pakikipagkapwa at hindi ng kung magkano ang makukuha niya mula dito. Sa policy statement ng batas, partikular ng RA 7170, dapat na ginigiyahan ng prinsipyo ng pagkukusang-loob ang mga programa ng organ donation.
Subalit hindi rin umano pinagbabawalan ang donor na tumanggap ng anumang token of gratitude mula sa kabutihang-loob ng pamilya ng natulungang pasyente.
Sakali umanong magdesisyong maging organ donor ang isang tao ay maari itong makipag-ugnayan sa HOPE o di kaya’y sa local DOH na malapit sa kanila o sa Philippine Information Agency sa kanilang lugar. Sa mga drayber naman ay maari nilang i-accomplish ang espasyong makikita nila sa likuran ng kanilang driver’s license. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment