Thursday, April 28, 2011

Pagkatay sa mga marine mammal mahigpit na ipinagbabawal


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 28 (PIA) – Muling sinabi ni Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagkatay ng alinmang uri ng marine mammal katulad ng ginawang pagkatay sa pitong dolphin noong nakaraang Martes sa bantayan, Pilar, Sorsogon.

Kaugnay nito, muli ding nanawagan si Espiritu sa mga mangingisda na ipagbigay-alam sa kanilang Municipal Agriculture Officer (MAO) o sa iba pang mga awtoridad sakaling nakakadakip sila ng Butanding, Dolphin, pawikan at iba pang mga hayop na kabilang sa endangered species.

Sinabi ni Espiritu na bago pa man naganap ang insidente ng pangangatay ng dolphin sa Pilar ay plano na ng Provincial Veterinary Office (PVO) katuwang ang Office of the Provincial Agriculture (OPAg) at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) regional office V na magsagawa ng orientation seminar on marine mammal stranding protocol response para sa mga Municipal Agriculture Officer (MAO) at local na opisyal at bumuo din ng isang emergency response team na mangangasiwa sa mga stranded marine mammals.

Sa tala ng BFAR, ang Bicol region ang may pinakamataas na bilang ng recorded stranding sa buong Pilipinas.

Ipinaliwanag din ni Espiritu na dapat maintindihan ng publiko lalo na ng mga mangingisda na kapag may stranding na nangyayari o paggilid ng mga isda sa dagat o di kaya’y paglapit nito sa mga tao, nangangahulugang may problema ang mga ito sa dagat kung kaya’t kailangan nilang gumilid.

Kung paulit-ulit naman tulad ng nagyayari sa mga pawikan sa Casiguran at Dolphin sa Pilar, indikasyon itong hindi lamang basta-basta naliligaw ang mga hayop kundi maaari umanong may breeding site ito o di kaya’y may permanenteng daanan o pathway na ito doon. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment