Wednesday, April 27, 2011

Pitong mga Dolphins kinatay sa Pilar, Sorsogon


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 27 (PIA) – Pitong mga dolphin ang naiulat na kinatay ng mga nakahuling mangingisda sa Brgy. Bantayan, Pilar, Sorsogon kahapon ng umaga.

(Photo courtesy of Joey Gois)
Sa impormasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) regional office V sa Provincial Veterinary Office, sinabi nitong ilang concerned citizen ang nagpaabot sa kanila na nakahuli ng walong dolphin ang mga mangingisda. Nakawala diumano ang isa, at sa kabila ng naging pag-iiyak ng pitong mga dolphin ay kinatay pa rin ito ng mga mangingisda at ilang residente bago pa man dumating ang mga awtoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon, matapos pagpyestahan at paghati-hatian ang mga karne ay pumuslit na ang mga suspetsado sa direksyong patungong Castilla upang mailusot at ibenta ito sa Daraga, Albay.

(Photo by: Joey Gois)
Kaugnay nito, agad na nagsagawa ng koordinasyon ang BFAR at Provincial Veterinary Office sa mga awtoridad at inalerto rin ang mga bantay dagat ng Pilar at Castilla.

Narekober ng PNP ang dalawang ulo ng kinatay na dolphin at ayon pa sa ilang mga residente, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganito sa Bantayan, Pilar kundi halos ay araw-araw na may isinasagawang patagong pagkakatay ng dolphin.

(Photo by: Joey Gois)
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Enrique Espiritu, nakakalungkot na hindi nauunawaan ng publiko partikular ang mga nasa barangay ang kahalagahan ng mga yamang dagat na ito.

Sinabi ni Espiritu na mapapansing maraming mga dolphins ang napapadpad sa karagatang sakop ng Sorsogon at isa itong indikasyong maaaring magtagal ang ganitong mga uri ng malalaking mammal dito na kung masusunod lamang ang tamang protocol sa paghawak sa ganitong mga pangyayari ay tiyak na magdadala ng kaginhawahan sa mga lokal na residente.

Samantala, nakatakda namang sampahan ng kaso ng BFAR V ang dalawang nakilalang suspek ng paglabag sa Republic Act 8550 o “Fisheries Code of 1998”, Fisheries Administrative Order No 185-1 at Fisheries Administrative Order No. 208, mga batas ito na pawang nagbibigay proteksyon sa mga papaubos, nanganganib at bibihirang mga uri ng isda at mga yamang tubig na tulad ng dolphin, pating, pawikan at babuy-dagat. (PIA Sorsogon) 

No comments:

Post a Comment