Wednesday, April 27, 2011

Maritime Parade tampok sa pagbubukas ng Butanding Festival 2011


Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, April 27 (PIA) – Pormal nang nagbukas ngayong araw ang 11th Butanding Festival sa bayan ng Donsol kung saan sisimulan ito sa pamamagitan ng banal na misa sa St. Joseph Parish Church.

Tampok sa apat araw na pagdiriwang mula ngayon, April 27 hanggang April 30, ang maritime parade kung saan ipaparada sa bisinidad ng Donsol ang iba’t-ibang mga replica ng Butanding na isasakay sa mga bangka at sisimbolo sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng karamihan sa mga residente ng Donsol.

Ilan pa sa mga aktibidad na inaabangan sa grand opening day ay ang opening program, mural painting, trade fair, photo exhibit, civic parade, coastal clean-up, tree planting,  barangay night at fireworks display.

Sa April 28 ay magkakaroon naman ng Youth Forum, bingo socials, sibidan race, wacky marathon at ilang sports activities.

Sa April 29 naman gaganapin ang videoke challenge at body watch kung saan inaasahan ang pagdating diumano ng popular teen-age star na si Kim Chu.

Sa April 30 ay magkakaroon naman ng medical mission, awarding ceremonies, beer plaza, LGU night at fireworks display.

Tema ng Butanding Festival ngayong taon ang “Continuing Efforts for Tourism Sustainable Development and Ecological Conservation.”

Ayon kay Donsol Mayor Jerome Alcantara positibo silang dadagsain ng mga turista ang kanilang festival lalo pa’t maraming mga aktibidad din ang inihanda nila.

Hinikayat din niya ang publiko lalo na ang mga taga-Sorsogon na suportahan nito ang kanilang festival ngayong taon at maging sa susunod pang mga taon. (PIA Sorsogon) 


No comments:

Post a Comment