Wednesday, May 25, 2011

Pili production sa Sorsogon higit pang palalaguin


Pili production sa Sorsogon higit pang palalaguin
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 25 (PIA) – Isang Pili Procurement Center o bagsakan ang nakatakdang itayo sa bayan ng Irosin, Sorsogon upang matulungang umasenso pa ang mga pili farmers sa lalawigan.

Ang hakbang ay bunsod na rin ng lumabas sa pag-aaral ng Sorsogon Pili Producers Cooperative (SPPC) ukol sa tatlong kalakaran sa panig ng mga magsasaka kung paano nilang pinagkakakitaan ang mga produktong pili.  Ito ay ang pagbebenta ng matured na pili o “langta” sa mababang halaga sa palengke o sa nangangalakal sa barangay; ibenta ang “lagting” o bunga ng pili na pinatuyo matapos alisan ng pulp o outer cover; at ang pagbebenta ng pili nut na inalis mula sa pili shell o mas kilala sa tawag  na “elog”.

Sa kasalukuyang bentahan ng pili, sa bawat 100 piraso, nagkakahala ang “langta” ng P35-P40, habang ang “lagting” ay nagkakahalaga ng P50-60, ang “elog” naman ay nagkakahalaga ng P60-P80. Mas tumataas ang halaga ng bentahan kapag nadadagdagan ang prosesong ginagawa sa pili.

Bagama’t karamihan sa pili nut ay galing sa Sorsogon, ito rin ang gumagalaw na presyo ng bentahan sa maliliit na processors sa lungsod ng Naga na siya ngayong nakikipag-ugnayan sa sa SPPC upang makakuha ng tiyak na suplay ng magandang uri ng pili.

Sa analisis ngayon ng Sorsogon Pili Producers Cooperative, balak nila ngayong magtatag ng Pili Procurement Center sa bayan ng Irosin kung saan mas marami doon ang pili, at doon na rin sa bagsakan gagawin ang pagpapatuyo at pagtitilad ng lagting, nang sa gayon ay maibenta ito ng mga pili farmers sa tamang presyo at makapagbibigay pa ang kooperatiba ng patronage refunds at dividends sa mga kasapi nito. (PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment