Wednesday, May 25, 2011

Public Hearing sa HB 1330 dito sa Sorsogon naging matagumpay


Public Hearing sa HB 1330 dito sa Sorsogon naging matagumpay
Ni: Bennie A. Recebido

Sorsogon City, May 24 (PIA) – Dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang sektor dito ang isinagawang public hearing sa Gubat Multi-Purpose Gymn, Gubat, Sorsogon noong Biyernes, May 20, kaugnay ng isinusulong na Brgy. Integrated Development Approach for Nutrition Improvement (BIDANI) Act of 2010 o House Bill 1330.

Layunin ng isinagawang public hearing sa pangunguna ni Cong. Rodante Marcoleta ng Alagad Partylist na kunin ang pulso ng publiko ukol sa nasabing House Bill at paigtingin ang kooperasyon at partisipasyon ng mga academic institution at local government units sa pagsusulong ng nutrisyon sa bansa.

Nais rin nitong hikayatin ang nag-iisang State College dito na luminang ng epektibong action-research program na magpapataas sa antas ng nutrisyon at pagkatao ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng mga lokal na komunidad at pagpapaigting pa ng produktibidad ng mga mahihirap na ito sa barangay sa pamamagitan ng pagpapataas ng antas ng kanilang nutrisyon at pamumuhay.

Ilan sa mga key provisions ng HB 1330 ay ang makapagtayo ng Brgy. Integrated Development Approach for Nutrition Improvement o BIDANI bilang isang nutrition-in-development research program; bigyang kapangyarihan ang National Nutrition Council (NNC) na gumawa at maglabas ng mga kinakailangang patakaran para sa epektibong pagpapatupad ng batas; bigyan ng kaukulang pondo ang mga state colleges at universities na magpapatupad nito; at payagang makalikom ng pondo, donasyon at iba pang uri ng suportang pinansyal mula sa mga lokal at dayuhang indibidwal, institusyon o pamahalaan para sa pagpapatupad ng BIDANI network program.

Naroroon sa pagtitipon ang tatlong kinatawan ng Ako Bikol Partylist na sina Atty. Alfredo Garbin, Jr. Rep. Christopher Co at Rep. Rodel Batocabe; Una ang Pamilya Partylist Rep. Reena Concepcion Obillo; Committee Chairperson at Quezon province 1st District Rep. Wilfredo Mark M. Enverga, committee members mula sa Kongreso kabilang na si Sorsogon 2nd district Congressman Deogracias Ramos, Jr.; Committee Members on Rural Development; mga local na residente at media.

Positibo naman si Rep Marcoleta, ang may-akda ng House Bill na maipapasa sa Kongreso ang nasabing panukala. (PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment