By: Bennie A. Recebido
Sorsogon City, May 20 (PIA) – Average ang nakuhang rating ng lalawigan ng Sorsogon sa larangan ng pagpapatupad ng Disaster Risk Reduction and Management base sa assessment na isinagawa ng World Food Programme (WFP) at Earthquake Megacities Initiative (EMI).
Sa ipinalabas na press release ng ng Sorsogon Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO), nakuha ang katamtamang grado dahilan sa pagiging aktibo diumano ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa mga pagpaplano at pagtugon nito sa panahong may kalamidad, gayundin ang mahusay na pagganap ng Provincial Disaster Risk Management Office (PDRMO), ang secretariat ng PDRRMC.
Kinumpirma din sa rating na nagsasagawa ang lalawigan ng Sorsogon ng panayang contingency planning para sa volcanic eruption at mga pagbaha.
Sa apat na pilot provinces ng WFP at EMI, ang Sorsogon umano ang nagpakita ng mabilis na pagsulong sa pamamagitan ng pagsasakatuparan nito ng Philippine Disaster Risk reduction and Management Act of 2010.
Matatandaang ang Sorsogon ay isa sa mga most vulnerable provinces na nalalantad sa sari-saring panganib partikular na ang volcanic eruption, bagyo, tsunami, pagbabaha, at landslides.
Sinabi naman ni Provincial Information Officer Von Labalan na dahilan sa marami nang naging karanasan ang lalawigan sa mga bagay na mayroong kinalaman sa iba’t ibang uri ng panganib ay ipinapakita nito ang pagpursige at pagsulong sa DRRM.
Suportado din aniya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon ang mga serye ng capacity building na isinagawa dito maliban pa sa iba’t-ibang mga disaster preparedness assistance mula sa national, civil society, mga international institutions at organizations.
Hamon din sa ngayon sa PDRRMC ang naging rating na ito ng WFP at EMI upang higit pang patatagin ng mga sangkot na ahensya ang Disaster Risk Reduction program ng lalawigan ng Sorsogon. (PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment